
Sa panahon ngayon na halos lahat ay pinapadali ng teknolohiya—mula sa AI chatbots hanggang automation sa trabaho—nakakalimutang minsan na ang tunay na halaga sa isang workplace ay hindi lang nakukuha sa bilis o galing ng makinarya, kundi sa tao mismo.
Kaya’t nang lumabas ang 2025 State of Human Resources Report ng Sprout Solutions na nagsasabing ang pagkakaroon ng kaibigan sa trabaho ang isa sa pinakamalaking dahilan kung bakit nananatili ang empleyado sa isang kompanya. Ano po sa tingin ninyo?
Kung tutuusin, simple lang ang punto: Mas masaya kang magtrabaho kung may kakampi ka. Iyong kahit anong stress sa deadline, may kasama kang tatawa. Kapag may pinagdadaanan ka, may makikinig. Kapag sumablay ka, may aalo. At kapag nagtagumpay ka, may babati.
Bilang empleyado, ramdam ninyo rin ba ito? Hindi sapat ang mataas na sahod kung araw-araw mo namang dala ang lungkot at pagod. Hindi sapat ang title o benepisyo kung wala kang sense of belonging. Kasi ang totoo, ang pinakanakakakapit sa isang tao ay hindi kontrata—kundi relasyon.
Kaya napapanahon ang mensahe ng Sprout: habang maraming kumpanya ang gumagastos para sa AI at tech upgrades, hindi dapat kalimutan ang “H” sa HR—Human. Kasi kahit gaano kagaling ang isang sistema, kung malamig ang kultura at wala kang makausap, madaling matuyo ang motibasyon ng isang empleyado.
Ang mga koneksyong binuo sa loob ng opisina—mga lunch break na puno ng kwentuhan, biruan sa group chat, sabayang pagpupuyat sa projects—iyan ang nagbibigay kulay sa trabaho. Iyan ang mga bagay na hindi kayang palitan ng AI, kahit gaano pa ito ka-intelligent.
Para sa akin, ito ang dapat tanungin ng bawat kumpanya: Nag-iinvest ba kayo sa tao, o puro teknolohiya lang? May espasyo ba sa opisina para sa tunay na samahan, o puro task at metrics ang mahalaga?
Kasi sa dulo ng araw, mas gugustuhin ng tao ang trabahong may kaibigan, kaysa sa trabahong may AI pero walang damdamin.
Kung gusto nating magtagal ang mga empleyado, kailangan muna nating pagtagalin ang koneksyon sa isa’t isa.
