Nanawagan ang Palasyo ng mas malalim at mas malawak na imbestigasyon kaugnay ng mga kaso ng pagkawala ng mga sabungero, matapos lumutang ang posibilidad na konektado umano ito sa madugong giyera kontra droga ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa isang pahayag nitong Martes, binigyang-diin ng Presidential Communications Office (PCO) na dapat tutukan ang ugnayang ito, kasunod ng rebelasyon ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na mayroong “intersection” o pagkakaugnay ang mga krimeng ito batay sa intelligence reports at mga dokumento.
“Kung ganiyan po ang nakikita sa mga imbestigasyon, mas lalo pa po dapat itong palawigin… mukhang kone-konektado ang mga nagawang krimen, kung ito man po ay mapapatunayan,” ayon kay PCO Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.
Dagdag pa ni Castro, hindi pa napatutunayang may sala ang sinuman sa ngayon, ngunit malinaw ang direktiba ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na dapat mabigyan ng hustisya ang mga biktima.
“Hindi po natin sinasabi na sila na po ay guilty pero mas gusto po ng Pangulo, iuutos po talaga niya na dapat mabigyan ng hustisya ang mga nabiktima,” ani Castro.
Ang serye ng mga pagkawala ay naitala mula Abril 2021 hanggang Enero 2022, kung saan mahigit isang dosenang sabungero ang naiulat na dinukot at hindi na muling nakita.
Isa sa mga akusado, si Julie “Dondon” Patidongan, ay umaming pinatay umano ang mga biktima sa parehong araw ng pagkakadukot at itinapon ang mga bangkay sa Taal Lake. Sa kanyang pahayag, idinawit niya ang negosyanteng si Atong Ang bilang utak sa mga krimen, pati na rin si aktres Gretchen Barretto.
Mariing itinanggi ng dalawa ang mga akusasyon—at naghain pa ng kaso si Ang laban kay Patidongan bilang ganti.
Sa gitna ng mga rebelasyon, lalong lumalakas ang panawagan ng taumbayan para sa buo, patas, at walang kinikilingang imbestigasyon, lalo na’t posibleng may mas malalim at mas organisadong sindikato sa likod ng mga krimen.
