Hindi napigilan ni Kapamilya actor Joshua Garcia na matawa at mapahiya habang ikinukuwento ang isang awkward pero nakakaaliw na karanasan kasama ang kanyang co-star na si Anne Curtis sa upcoming Kapamilya series na “It’s Okay To Not Be Okay.”
Sa isang media conference na ginanap sa Dean and DeLuca Restaurant, ibinahagi ni Joshua ang isang eksenang tumatak sa kaniya habang naghahanda sila ni Anne para sa isang intimate scene.
“Meron akong nakakahiya talagang experience with Anne. Kasi yung scene namin sa dagat, puro isda ang kinakain namin—tulingan yata ‘yon. Kinagabihan may intimate scene kami, tapos napa-dighay ako! Naamoy ni Anne at sabi niya, ‘Ang baho!’” kwento ni Joshua habang humahalakhak.
“Hindi ko talaga napigilan. Bigla lang lumabas. Nakakahiya pero sobrang comfortable na namin sa isa’t isa. Feeling ko ikukuwento rin niya ‘yon balang araw,” dagdag pa niya.
Tinanong kung paano siya naghanda para sa intimate scene matapos ang “incident,” sagot ni Joshua:
“Toothbrush. Walang ibang paraan!”
Aminado ang aktor na medyo naiilang siya noong una makatrabaho si Anne Curtis, pero malaking bagay umano na si Anne mismo ang unang lumapit sa kanya sa set.
“Nakakahiya kasi siya yung lumalapit sa akin. Pero sobrang laking tulong nun para maging comfortable kami sa mga eksena.”
Pinuri naman ni Direk Mae Cruz-Alviar ang chemistry at husay ng tambalan nina Anne at Joshua.
“Magaling silang dalawa. May chemistry talaga. Mas napadali ang trabaho ko dahil andun na yung connection.”
Ang “It’s Okay To Not Be Okay” ay nakatakdang mapanood sa Kapamilya Channel simula July 17, at sumusunod sa istorya ni Patpat (Joshua Garcia), isang psychiatric ward caregiver na inaalagaan ang kanyang kapatid na si Matmat (Carlo Aquino) na may autism.
Nagbago ang takbo ng kanilang mundo nang makilala nila si Mia (Anne Curtis), isang matagumpay ngunit emosyonal na saradong children’s book author. Sa kanilang pagsasama, haharapin nila ang mga sugat ng nakaraan at sabay-sabay na tatahakin ang landas ng healing, self-acceptance, at pag-ibig.
