Hindi naging hadlang ang dilim ng kahapon upang mahanap ni John Robinson Leonardo, 37-anyos, ang liwanag ng tagumpay.
Ang dating batang nagtitinda ng kendi at juice sa eskwelahan ay isa na ngayong Regional Accounts Payable (AP) Manager sa Dubai, isang Certified Public Accountant (CPA), at “Cum Laude” graduate.
Ang kuwento ni Leonardo ay hindi lamang tungkol sa numero at ledger, kundi tungkol sa tibay ng loob ng isang “breadwinner” na dumaan sa matinding pagsubok bago narating ang kinalalagyan ngayon.
Bago ang marangyang buhay sa ibang bansa, naranasan ng pamilya ni Leonardo ang mabuhay nang walang kuryente sa loob ng isang taon at walang gripo sa loob ng ilang buwan.
Umabot din sa 35 beses ang banta ng pagpapaalis sa kanila sa inuupahang bahay dahil sa hindi pagbabayad ng renta.
Sa kabila nito, pinatunayan niya ang galing sa akademya sa University of the East (UE) Manila at kalaunan ay naging Audit Manager sa bansa bago sumapalad sa Middle East noong 2014 para mabigyan ng mas magandang buhay ang kanyang pamilya.
Hindi naging madali ang pananatili sa Dubai. Noong 2020, isa si Leonardo sa mga unang tinamaan ng COVID-19 at habang nagpapagaling ay nawalan pa ng trabaho. Sinundan pa ito ng sunod-sunod na medical emergency sa kanyang pamilya—ang stroke ng kanyang ama noong 2017 at ang kritikal na kondisyon ng kanyang ina noong 2021 dahil din sa COVID-19.
Maging si Leonardo ay sumailalim sa mga operasyon sa bato (2019) at apdo (2023). Ngunit ayon sa kanya, ang isang breadwinner ay walang puwedeng humadlang para tumigil. “Matutunan mo lang bumangon nang paulit-ulit,” pahayag niya.
Bukod sa kanyang karera sa finance, nakilala rin si Leonardo sa social media. Noong 2018, nag-viral ang kanyang panggagaya sa “lava walk” ni Catriona Gray na itinampok pa sa programa ni Jessica Soho.
Noong Pebrero 2026, pormal na rin niyang nakaharap ang Miss Universe sa Museum of the Future sa Dubai.
Naitampok din siya sa Rated Korina at iba pang pahayagan dahil sa kanyang sorpresang pag-uwi sa Pilipinas noong 2022, kung saan nagtago siya sa loob ng isang higanteng teddy bear para sa anniversary ng kanyang mga magulang. Nitong 2025, muli siyang nag-viral matapos i-retweet ni Vice Ganda ang parangal ng kanyang pamilya sa kanya bilang isang huwarang breadwinner.
Sa kasalukuyan, nalibot na ni Leonardo ang mundo—mula US, UK, Japan, hanggang sa mga bansa sa Europe at Central Asia. Para sa kanya, ang pagbibiyahe kasama ang pamilya ay hindi luho kundi “pag-ibig na nakikita.”
Ang kanyang payo sa mga kapwa OFW: maging matalino sa pinansyal, protektahan ang puso, at huwag kalimutan ang sarili habang itinataguyod ang buhay ng iba. Sa ngayon, patuloy ang kanyang paghakbang—isang hakbang bawat araw—gaya ng turo ng kanyang ama, mula sa isang batang walang kuryente patungo sa isang matagumpay na lider sa larangan ng finance.
