Binigyang-atensyon ang kalusugan ng mga dating miyembro ng militar na kasalukuyang nakapiit sa New Bilibid Prison (NBP) matapos magsagawa ng kauna-unahang medical mission ang mga doktor mula sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) nitong Martes.
Ang delegasyon ay pinangunahan ni Dr. Peter Paul Reuben G. Galvez, Medical Director ng VMMC, bilang bahagi ng pagkilala sa serbisyo ng mga dating sundalo sa kabila ng kanilang kinakaharap na sentensya sa loob ng piitan.
Nagpahayag ng buong suporta si Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. sa naturang inisyatibo.
Ayon kay Catapang, plano nilang gawing mas madalas ang ganitong medical mission upang matiyak na nakatatanggap ng sapat na atensyong medikal ang mga dating kawal ng bayan dahil nararapat lamang silang bigyan ng komprehensibong serbisyong medikal kahit sila ay nakapiit.
Sa kasalukuyan, mayroong 31 dating opisyal at tauhan ng militar ang nakakulong sa NBP kung saan ang bawat isa ay sumailalim sa masusing check-up at binigyan ng mga kaukulang gamot.
Sa bilang na ito, 21 ay mula sa Philippine Army, siyam ang dating Marines, at isa ang galing sa Philippine Air Force. Sila ay nakakalat sa iba’t ibang pasilidad: 19 ang nasa Maximum Security Compound, walo sa Medium Security, at apat sa Minimum Security Compound.
Ibinahagi naman ni CT/Supt. Ma. Cecilia Villanueva, Director for Health and Welfare Services ng NBP Hospital, ang malungkot na balita tungkol sa pagpanaw ng isang 73-anyos na dating opisyal ng Philippine Army nitong nakaraang Linggo.
Napag-alamang wala itong rekord ng anumang konsultasyon sa ospital ng NBP bago ang insidente kaya kasalukuyan nang isinasailalim sa autopsy ang labi nito upang malaman ang sanhi ng kamatayan.
Ang pangyayaring ito ay lalong nagbigay-diin sa kahalagahan ng regular na monitoring sa kalusugan ng lahat ng mga bilanggo.
Ang pagtutulungan ng VMMC at BuCor ay nagpapakita ng pangako ng dalawang institusyon na magbigay ng propesyonal at marangal na serbisyong pangkalusugan sa mga taong naglingkod sa bansa.
Binibigyang-diin nito na ang karapatan sa maayos na pangangalaga ng kalusugan ay dapat manatili anuman ang kasalukuyang kalagayan o sirkumstansya ng isang indibidwal.
