Nahaharap ngayon sa kasong murder ang isang nadakip na miyembro ng New People’s Army (NPA) kaugnay ng pagkamatay ng isang opisyal ng Philippine Army sa naganap na bakbakan sa San Jose, Occidental Mindoro noong Marso 29.
Ang suspek ay kinilalang si Charlize Garzon, na kilala rin sa alyas na “Ka Kaye.”
Kasalukuyan siyang nasa ilalim ng kustodiya ng San Jose Municipal Police Station matapos ang sagupaan sa Sitio Salafay, Barangay Monteclaro, na ikinasawi ni Captain Dean Buen Oyando at ikinasugat ng dalawa pang sundalo.
Sa kabila ng armadong tunggalian, nanawagan ang 2nd Infantry (Jungle Fighter) Division (2ID) ng respeto sa dignidad at karapatan ng nadakip na rebelde.
Mariing pinuna ng militar ang ilang grupo, kabilang ang Karapatan Southern Tagalog, sa mabilis na paglalabas ng pagkakakilanlan at larawan ni Garzon sa online platforms para umano sa propaganda.
Ayon kay Colonel Michael Aquino, Chief ng 2nd Division Public Affairs Office, sadyang hindi agad inilabas ng Philippine Army ang impormasyon tungkol sa suspek upang protektahan ang kanyang karapatan at masiguro ang makataong pagtrato sa mga sangkot sa armadong pakikibaka.
Binigyang-diin ni Colonel Aquino na ang mga sundalo ay nananatiling tapat sa rule of law at sa responsibilidad na igalang ang dangal ng bawat tao, maging ang mga kalaban ng pamahalaan.
Aniya, ang paglalantad ng sensitibong personal na impormasyon ay maaaring maglagay sa panganib sa indibidwal at sa kanyang pamilya.
Nakababahala umano na habang pinipili ng mga sundalo ang pagtitimpi at respeto, ang ibang grupo naman ay mabilis na ginagamit ang pagkakakilanlan ng suspek para sa sariling interes nang walang pakundangan sa posibleng maging epekto nito.
Dagdag pa ng 2ID, ang kanilang aksyon ay sumasalamin sa propesyonalismo at legal na pagsasagawa ng operasyon.
Habang layon ng militar na protektahan ang mga komunidad laban sa terorismo, nananatili silang matatag sa pagtataguyod ng karapatang pantao kahit para sa mga taong tumayo sa kabilang panig ng labanan.
Nanawagan din ang 2nd Infantry Division sa publiko na maging mapanuri sa mga impormasyong kumakalat online at suportahan ang mga hakbang na nagsusulong ng katotohanan, responsibilidad, at tunay na kapayapaan.
