Nahaharap sa posibleng paghihigpit o tuluyang pag-block sa Pilipinas ang sikat na gaming platform na Roblox kung hindi nito masosolusyunan ang mga banta sa kaligtasan ng mga batang gumagamit nito.
Sa isang dayalogo kahapon, Marso 31, na pinangunahan ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) at Department of Information and Communications Technology (DICT), tinalakay ang mga nakababahalang ulat ng exploitation sa nasabing platform.
Sa gitna ng diskusyon, binanggit ng isang kinatawan ng mga developers na maliit na porsyento lamang ng monthly users ang negatibong naaapektuhan.
Agad naman itong sinagot ni Regina Sibal ng National Parent Teacher Association (NPTA) sa pagsasabing ang bawat bata ay hindi lamang isang statistic kundi isang taong humihinga at nabubuhay, kaya hindi pwedeng balewalain ang pinsala gaano man kaliit ang numero.
Sinuportahan ito ni CICC Undersecretary Aboy Paraiso, na nagsabing sapat na ang kahit isang biktima para kumilos ang gobyerno dahil hindi porsyento kundi kaligtasan ng bawat indibidwal ang kanilang prayoridad.
Naging mainit ang usapin lalo na’t kamakailan ay napigilan ng pulisya ang isang planong mass shooting na kinasangkutan ng mga batang manlalaro ng Roblox na minamanipula ng mga hindi kilalang elemento.
Ayon sa data mula sa US National Center for Missing and Exploited Children (NCMEC), mayroon nang libo-libong kaso ng sexual exploitation na nauugnay sa platform, dahilan upang maghigpit ang mga awtoridad sa bansa.
Naglabas na ng pormal na 30-day notice ang gobyerno para tugunan ng Roblox ang ilang mahahalagang kondisyon.
Kabilang dito ang pagkakaroon ng Local Legal Presence kung saan obligadong mag-rehistro at magkaroon ng pisikal na kinatawan ang Roblox sa Pilipinas upang mas madaling makipagtulungan sa batas.
Iginiit din ang konsepto ng Safety by Design o ang pagbaon ng proteksyon sa mismong arkitektura ng laro, kasama ang mas mahigpit na Age Verification at ang pagbuo ng mabilis na Reporting Hotline laban sa mga predators.
Ayon kay Atty. Jaye Dela Cruz-Bekema mula sa tanggapan ni Sen. Risa Hontiveros, hindi lang dapat iasa sa mga magulang ang pagbabantay dahil marami sa kanila ay mga OFW o nagtatrabaho ng higit sa isang trabaho. Binigyang-diin sa dayalogo na dapat itong maging “joint responsibility” ng komunidad, gobyerno, at ng mismong app developer.
Nakatakdang makipagpulong ang mga awtoridad sa mga kinatawan ng Roblox sa Abril 7, 2026.
Kung mabibigo ang kumpanya na sumunod sa mga safety standards ng bansa, handa ang DICT at CICC na magsagawa ng mas matinding aksyon kabilang ang tuluyang pag-block sa access ng mga Pilipino sa nasabing laro.
