Nanawagan ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) at ang iba’t ibang sektor ng lokal na agrikultura kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa mabilisang pagpapalabas ng isang Executive Order (EO) na magbabalik sa mas mataas na antas ng taripa sa imported na karne ng baboy.
Sa isang opisyal na liham na may petsang Oktubre 12, 2026 at natanggap ng Office of the President noong Oktubre 13, binigyang-diin ng grupo na nasa matinding krisis ngayon ang lokal na industriya ng pagbababoy dahil sa tuloy-tuloy na pagbaba ng farmgate price.
Ayon sa SINAG, bumagsak sa P90 hanggang P120 na lamang kada kilo ang farmgate price ng baboy, habang patuloy naman ang pagtaas ng presyo ng feeds at iba pang gastusin sa produksyon.
Dahil dito, nalulugi ng P50 hanggang P90 kada kilo (o humigit-kumulang P5,000 hanggang P9,000 sa bawat baboy na pinalalaki) ang mga lokal na hog raisers.
“At these prices, Filipino hog raisers are being pushed to the brink. Many are considering leaving the industry altogether. Farms are closing, investments are being wiped out, and livelihoods built over generations are at risk of disappearing,” pahayag ng grupo sa kanilang apela.
Dahil dito, pormal nilang hiniling sa Pangulo ang pagpapatupad sa pamamagitan ng EO ng 40% tariff para sa out-quota imports at 30% tariff para sa Minimum Access Volume (MAV) o in-quota imports.
Ipinaliwanag din ng SINAG na ang iminungkahing paitaas na proseso ng Tariff Commission ay aabutin pa ng ilang buwan, panahon na ayon sa kanila ay hindi na kayang hintayin ng mga lokal na mambababoy.
“We cannot wait another day for tariff restoration,” diin ng grupo.
Bukod sa mga nag-aalaga ng baboy, binigyang-diin ng SINAG na apektado rin ng krisis na ito ang buong chain ng agrikultura kabilang ang mga magsasaka ng mais, feed millers, veterinary providers, slaughterhouses, processors, at mga nagbibyahe ng karne sa buong bansa.
Kasabay nito, nagsumite rin ng pormal na manifesto at lagda ng suporta ang iba’t ibang asosasyon ng hog farmers mula sa iba’t ibang probinsya tulad ng Batangas at Quezon sa pamamagitan ng National Federation of Hog Farmers Inc. (NFHFI) upang ipakita ang nagkakaisang panawagan ng buong sektor.
