Pinawawalang-sala ng Sandiganbayan Special Second Division si House Deputy Speaker at dating Health Secretary Janette Garin hinggil sa mga kasong graft at illegal use of public funds na may kaugnayan sa kontrobersyal na pagbili ng anti-dengue vaccine na Dengvaxia noong siya pa ang namumuno sa Department of Health (DOH).
Ikinagalak ni Garin ang naging desisyon ng anti-graft court at sinabing ang sentensya ay hindi lamang para sa kanya kundi para sa buong public health communities sa bansa.
“This is a vindication not for me but for scientists, our public health experts, at sa mga doktor na patuloy na naniniwala na kailangang-kailangan serbisyuhan ang bawat Maria at Juan Dela Cruz,” pahayag ng mambabatas kasunod ng pormal na pagpapalabas ng hatol.
Nagmula ang kaso sa sakdal na inihain ng Office of the Ombudsman noong 2023 laban kay Garin at apat na iba pa.
Inakusahan sila ng paglabag sa executive order at mga alituntunin ng DOH kaugnay ng pagpapalabas ng Special Allotment Release Order (SARO) na nagkakahalaga ng mahigit P3 bilyon para sa pagbili ng mga Dengvaxia vaccine at pagpapatupad ng school-based immunization program ng pamahalaan.
