Magandang balita para sa mga kawani ng pamahalaan matapos ianunsyo ng Government Service Insurance System (GSIS) ngayong Miyerkules ang pagpapatupad ng “Balik Ginhawa.”
Ito ay isang modified loan moratorium na naglalayong magbigay ng agarang relief sa mga miyembro sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin at krisis sa langis.
Ang programa ay hindi tulad ng tradisyunal na moratorium dahil gagamit ito ng refund mechanism kung saan itutuloy ang deductions ngunit ibabalik ang kabuuang halaga ng tatlong buwang amortization sa isang bagsakan.
Sa ilalim ng Balik Ginhawa, ang katumbas na halaga ng loan amortizations mula Disyembre 2025 hanggang Pebrero 2026 ay ibabalik sa mga miyembro sa pamamagitan ng direct crediting sa kanilang mga account.
Ayon sa GSIS, ang paraang ito ay mas epektibo dahil makakakuha ang mga kawani ng malaking halaga na magagamit agad para sa mga urgent na pangangailangan sa bahay o personal na gastusin, sa halip na tumanggap ng maliliit na halagang nakalatag sa loob ng ilang buwan.
Binigyang-diin ni GSIS President at General Manager Wick Veloso na ang pagsali sa programa ay boluntaryo para sa lahat ng mga miyembrong nais maka-avail.
Ang mga interesadong kawani ay maaaring mag-apply sa pamamagitan ng GSIS Touch mobile application.
Sa oras na maaprubahan ang aplikasyon, ang terminong pagbabayad ng kanilang loan ay madadagdagan ng tatlong buwan bilang extension, ngunit tinitiyak ng ahensya na wala itong kaakibat na karagdagang interes o anumang penalties.
Ang inisyatibong ito ay tugon ng pamahalaan sa nararanasang epekto ng sigalot sa Middle East na nagtulak sa presyo ng langis sa three-digit levels o higit ₱100 kada litro.
Inaasahan ding magdudulot ito ng pagtaas sa singil sa kuryente at presyo ng pagkain na lubhang nagpapabigat sa budget ng mga Pilipino.
Ang Balik Ginhawa ay bahagi ng mas malawak na “whole-of-government approach” sa ilalim ng programang UPLIFT ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang maibsan ang hirap na dinaranas ng mga manggagawa sa gobyerno sa panahon ng krisis sa ekonomiya.
