Nais palakasin ni Senate President Win Gatchalian ang economic resilience ng mga tao sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkakataon sa libo-libong naghahanap ng trabaho na makakonekta sa mga potensyal na employer.
Dahil nanatili sa 5.3% ang unemployment rate noong Agosto, binigyang-diin ni Gatchalian ang agarang pangangailangan para sa kapaki-pakinabang na trabaho at upang maprotektahan ang mga pamilyang Pilipino mula sa pinansiyal na pabigat ng dala ng mataas na inflation at kawalan ng katiyakan sa ekonomiya.
“Importante na magkaroon ng maayos na trabaho ang ating mga kababayan. Hindi lang dapat ayuda ang binibigay ng gobyerno kundi ang pagkakataon na makapaghanap buhay sila ng maayos,” pagbibigay-diin ng Senate President.
Sa ngayon, ang tanggapan ni Gatchalian ay nakapag-organisa na ng 23 magkakahiwalay na job fair sa iba’t ibang lokalidad na nilahukan ng 12,166 na naghahanap ng trabaho at nagbunga ng 2,874 na indibidwal na natanggap agad sa trabaho (hired on the spot). Marami pang iba ang kasalukuyan nang pinoproseso para matanggap.
Kabilang sa mga lokalidad kung saan isinagawa ang mga job fair ang Valenzuela City, Muntinlupa City, Quezon City, Parañaque City, Las Piñas City, Pateros, Manila City, Caloocan City, Makati City, Pasig City, Malabon City, San Fernando City sa Pampanga, Calbayog City sa Samar, Tacloban City sa Leyte, at Ormoc City sa Leyte. Ang mga naturang job fair ay isinagawa sa pakikipagtulungan ng Department of Labor and Employment (DOLE) at ng mga kinauukulang lokal na pamahalaan.
Ayon kay Gatchalian, isang serye ng mga job fair sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang isasagawa sa mga susunod na buwan. “Simple lang ang layunin natin. Gusto nating magkaroon ng pagkakataon ang mga kwalipikadong jobseekers na magkaroon ng maayos at regular na trabaho,” dagdag pa niya.
