BARAS, RIZAL — Isang 44-anyos na vulcanizer ang kasalukuyang nagpapagaling sa ospital matapos itong aksidenteng mabaril ng sarili niyang bitbit na improvised shotgun o “sumpak” habang lulan ng motorsiklo nitong Miyerkules sa Brgy. Pinugay.
Naganap ang sakuna bandang alas-11:00 ng umaga noong Enero 14, 2026, sa Southville 9, Brgy. Pinugay. Gayunpaman, nakarating lamang ang ulat sa Baras Municipal Police Station (MPS) nitong Huwebes ng umaga, Enero 15, mula sa isang concerned citizen.
Ayon sa imbestigasyon, minamaneho ng biktimang kinilalang si Cirilo ang kanyang itim na Yamaha Mio i125 kasama ang kanyang live-in partner na si Jessa, 45-anyos. Papunta sana ang dalawa sa bahay ng isang kaibigan nang bigla na lamang makarinig ng malakas na putok ang babae.
Sa salaysay ni Jessa sa mga awtoridad, nanggaling ang putok sa bitbit na “sumpak” ni Cirilo. Sa taranta, agad niyang isinugod ang kinakasama sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center upang lapatan ng lunas.
Sa pagresponde ng mga pulis sa pinangyarihan ng insidente, narekober ang mga sumusunod, isang (1) unit ng improvised shotgun (sumpak), Dalawang (2) bala ng shotgun na nakuha sa loob ng front compartment ng motorsiklo at ang Yamaha Mio i125 na ginamit ng biktima.
Nasa kostudya na ng Baras MPS ang mga nakuhang ebidensya at nakatakdang isumite sa Provincial Forensic Unit (PFU) para sa ballistic examination. Isasailalim din sa beripikasyon ang motorsiklong ginamit.
Bagama’t itinuturing na “accidental firing” ang nangyari, posibleng maharap sa kaukulang kaso ang biktima dahil sa pagtatago at pagdadala ng iligal na armas (Illegal Possession of Firearms) oras na makalabas ito ng ospital. Patuloy pa ang follow-up investigation ng mga lokal na pulisya sa naturang kaso.
