Tahimik at malayo na sa kinang ng showbiz ang buhay ngayon ng dating aktres na si Gretchen Barretto matapos siyang tuluyang “i-absuwelto” o alisin ng mga awtoridad sa listahan ng mga sangkot sa kontrobersyal na kaso ng mga nawawalang sabungero.
Sa isang bihirang pagkakataon, nakita si Barretto ng ilang miyembro ng entertainment media habang nanananghalian sa isang hotel kamakailan. Nang tanungin kung may plano siyang magbalik-showbiz, maikli ngunit diretso ang kanyang sagot: “Peaceful, quiet life,” bago ito tuluyang lumisan.
Ang pahayag na ito ay kasunod ng naging desisyon ng Department of Justice (DOJ) noong Disyembre na i-dismiss ang kasong kriminal laban sa kanya at sa iba pang stakeholders ng Pitmasters Live.
Ayon sa DOJ, ang mga alegasyon laban sa “Pitmaster Alpha Group,” kung saan miyembro ang aktres, ay pawang “speculative at uncorroborated” o walang sapat na basehan.
Kabaligtaran naman ang sinasapit ngayon ng business tycoon na si Charlie “Atong” Ang. Nitong Huwebes, Enero 15, pormal nang idineklara ng Department of the Interior and Local Government (DILG) si Ang bilang “No. 1 Most Wanted Person” sa bansa.
Sa kabila ng pag-absuwelto kay Barretto, hindi pa rin sumusuko ang mga kaanak ng mga nawawalang sabungero. Humihiling sila ng reconsideration sa DOJ upang muling isama ang pangalan ni Barretto at iba pang miyembro ng “Alpha Group” sa kidnapping conspiracy.
Giit ng mga pamilya, may sapat na basehan ang testimonya ng whistleblower na si Dondon Patidongan na nag-uugnay sa mga ito sa sistematikong pagpuksa sa mga biktima.
Sa ngayon, nananatiling mailap si Ang habang tinitingnan na rin ng PNP-CIDG ang posibilidad na humingi ng Interpol Red Notice upang masigurong hindi makakatakas ang negosyante palabas ng bansa. (Mads Reyes)
