Nanawagan ang Philippine Center for Islam and Democracy (PCID) sa Kongreso na agad magtakda ng bagong petsa para sa unang regular na parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ngayong taon.
Ito ay matapos ipasa ng Bangsamoro Parliament noong Enero 13 ang Parliament Bill (PB) No. 415, isang bagong batas sa districting na layong ayusin ang pagkakahati-hati ng mga elektoral na distrito sa rehiyon.
Bagama’t itinuturing ng PCID na “critical step” ang pagpasa sa PB 415, binigyang-diin ng grupo na hindi na maaaring matuloy ang halalan sa orihinal na iskedyul nito sa Marso 30, 2026.
Ipinaliwanag ng PCID na ayon sa Voter’s Registration Act (RA 8189), bawal baguhin ang mga heograpikal na hangganan (geographic boundaries) sa loob ng 120 araw bago ang isang eleksyon. Dahil kailan lang naitatag ang mga bagong distrito, pasok ito sa ipinagbabawal na “120-day ban.”
Ayon sa PCID, tanging ang Kongreso ng Pilipinas lamang ang may kapangyarihang magtakda ng bagong petsa ng halalan. Kasama ang Commission on Elections (COMELEC), hinihimok ng grupo ang mga mambabatas na magpasa ng batas para sa isang bagong petsa na legal na susunod sa mga panuntunan, basta’t mangyayari pa rin ito sa loob ng taong 2026.
“Ang pagpapaliban pa ng botohan hanggang 2027 o 2028 ay magiging kawalan ng katarungan para sa mga mamamayan ng Bangsamoro na matagal nang naghihintay na magamit ang kanilang karapatang bumoto sa ilalim ng isang parliamentary system,” pahayag ng PCID.
Iginiit ng grupo na ang transisyon ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) mula sa pagiging “appointive” (itinalaga) patungo sa isang tunay na “elected” (inihalal) na Parlamento ay pundasyon ng prosesong pangkapayapaan.
Naninindigan ang PCID na ang makasaysayang halalang ito ay magbibigay-kapangyarihan sa mga mamamayan ng BARMM na pumili ng mga pinunong tunay na kakatawan sa kanilang boses, kultura, at mithiin para sa sariling pamamahala. (Arnold Pajaron Jr)
