Baon ang matinding kumpiyansa at bagong tropeyo, pormal nang kinoronahan ang Pinay tennis sensation na si Alex Eala bilang kampeon ng 2026 Kooyong Classic women’s singles exhibition meet ngayong Biyernes ng hapon.
Inuwi ng 20-anyos na si Eala ang prestihiyosong Evonne Goolagong Cawley Trophy matapos talunin ang Olympic silver medalist na si Donna Vekic ng Croatia. Ito na ang ikalawang sunod na pagkakataon na pinataob ng Filipina si Vekic matapos ang kanilang pagtatagpo sa quarterfinals ng ASB Classic noong nakaraang linggo.
Ang tropeyong napanalunan ni Eala ay ipinangalan sa Australian tennis legend na si Evonne Goolagong Cawley, na naging World No. 1 noong 1970s.
“Masaya naming inanunsyo ang nanalo ng Evonne Goolagong Cawley Trophy, Alexandra Eala. Congratulations sa ating women’s 2026 Kooyong Classic Champion!” pahayag ng mga organizers sa kanilang social media.
Dahil sa kanyang kahanga-hangang World No. 49 ranking, nakakuha si Eala ng direct entry sa main draw ng 2026 Australian Open. Ito ay isang malaking hakbang para sa batang atleta dahil hindi na niya kailangang dumaan sa qualifying rounds.
Nakatakdang buksan ni Eala ang kanyang kampanya sa Melbourne Park ngayong Linggo sa unang round ng torneo.
Makakalaban ni Eala sa Round 1 ang pambato ng United States na si Alycia Parks. Bagama’t kasalukuyang nasa World No. 100, hindi dapat maliitin si Parks na umabot sa career-high na No. 40 noong 2023 at may hawak na isang WTA singles title mula sa Lyon Open.
Inaasahang magiging dikit ang laban, ngunit dahil sa momentum na nakuha ni Eala sa Kooyong, marami ang umaasang malayo ang mararating ng Pinay pride sa unang Grand Slam ng taon. (Ron Tolentino)
