“Hindi kami ang mastermind; kami ang biktima ng sistemang pilit kaming nilulubog.”
Ito ang matapang na pahayag na inilabas ng kampo ni Curlee Discaya, ang may-ari ng St. Gerrard Construction, bilang sagot sa lumalalang isyu ng katiwalian sa mga flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa isang eksklusibong detalye, inilantad ni Discaya ang “bulok na sistema” sa likod ng mga bidding at ang maling persepsyon ng publiko at ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ukol sa mga tinatawag na “ghost projects.”
Ayon sa source na malapit kay Discaya, sinabi ni Curlee na ang madalas na ituring na “ghost project” ni PBBM ay bunga lamang ng teknikal na realidad sa aktwal na konstruksyon na hindi naisasaayos sa orihinal na plano.
Ipinaliwanag ni Discaya na ang mga itinakdang koordinasyon (Station 1 hanggang 1,000) ay madalas magbago kapag nasa field na dahil sa lalim ng ilog.
“Kung ang pondo ay para sa isang kilometro pero malalim pala ang pagbababaunan ng sheet piles, natural na iikli ang haba ng proyekto—halimbawa, magiging 900 meters na lang—para mapanatili ang kalidad at tibay ng pundasyon,” saad ni Curlee sa source.
Binigyang-diin nila na kapag sinukat ito ng mga inspektor at nakitang kulang sa haba, agad itong binabansagang “ghost project,” sa kabila ng katotohanang ang pondo ay napunta sa mas mahahaba at matitibay na materyales na kinailangan sa ilalim ng tubig upang hindi gumuho ang istruktura.
Inungkat din ni Discaya ang maling sistema ng pagpopondo ng gobyerno na nagreresulta sa kawalan ng silbi ng mga flood control projects. Sa kasalukuyang kalakaran, “Phase 1” lamang ang napopondohan, habang ang “Phase 2” ay nakadepende pa sa pondo ng susunod na taon.
Dahil dito, nananatiling “bukas” ang mga dulo ng flood control. Paliwanag ni Discaya, kapag dumating ang malakas na baha, ang tubig ay pumapasok sa mga bukana ng hindi tapos na pader, na lumilikha ng mapanirang swirl o uli-uli. Ang tubig na ito ang kumakain sa lupa sa likod ng pader, na nagiging sanhi ng pag-collapse ng buong istruktura kahit bago pa man ito matapos.
Mariing itinatanggi ng St. Gerrard Construction na sila ang nasa likod ng mga anomalya. Sa halip, iginiit nila na ang mga contractor ay naiipit sa isang sistemang idinidikta ng mga pulitiko at ng mga butas sa pagpaplano ng DPWH.
Ang rebelasyong ito ay inaasahang magbibigay ng bagong direksyon sa mga imbestigasyon sa flood control projects sa bansa, habang nananawagan ang kampo ni Discaya ng mas malalim na pagsusuri sa tunay na kalagayan ng engineering at pondo sa bansa.
