Matagumpay na naisagawa ang 2026 Balikat ng Bayan Awards ng Social Security System (SSS) bilang pagkilala sa mga katuwang nitong institusyon at kumpanya na patuloy na nagtataguyod ng proteksyon at seguridad para sa bawat miyembro nito.
Nanguna sa ginanap na pagpaparangal sina SSS President at Chief Executive Officer Robert Joseph Montes De Claro at Executive Vice President Ernesto Francisco, kasama ang iba pang opisyal ng ahensya.
Ang ngayong taong parangal ay nakatutok sa tema ng ika-69 na Anibersaryo ng SSS na “Bawat Isa Protektado, Bawat Bukas Sigurado,” na nagbibigay-diin sa mahalagang papel ng mga partner institution sa pagpapaabot ng tulong-pinansyal, proteksyon sa paggawa, at pangkalahatang kapakanan ng mga manggagawang Pilipino.
Ayon sa pamunuan ng SSS, ang mga ginawaran ng parangal ay napili dahil sa kanilang natatanging kontribusyon at pakikiisa sa layunin ng ahensya na tiyaking bawat miyembro ay mayroong maaasahang sandigan sa oras ng pangangailangan. (ART TORRES)
