Screengrab: Cainta MPS/CCTV footage
Nasawi ang isang ang angkas na accountant habang sugatan naman ang drayber ng isang motorsiklo matapos silang salpukin ng isang pampasaherong jeep sa Ortigas Avenue Extension, Barangay San Isidro, Cainta, Rizal, nitong Linggo ng gabi, Setyembre 20, 2026.
Ayon sa ulat ng Cainta Municipal Police Station, nakatanggap ng tawag ukol sa aksidente si PCMS Gener Cruz ng Duty Tactical Operations Center (TOC) bandang 8:00 ng gabi, dahilan upang agad na magpadala ng imbestigador sa lugar para mag-imbestiga.
Naganap ang insidente sa westbound lane ng Ortigas Avenue Extension, Barangay San Isidro, bandang 6:50 ng gabi.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, huminto ang motorsiklo na nasa inner lane upang bigyang-daan ang isang tumatawid na pedestrian.
Subalit ang kasunod nitong jeepney, na nasa gitnang linya, ay biglang kumabig papuntang inner lane dahilan upang mabangga nito ang hulihang bahagi ng motorsiklo.
Sa lakas ng pagsalpok, tumilapon ang drayber at pasahero ng motorsiklo. Kalunos-lunos na kinaladkad ng jeep ang pasaherong babae nang humigit-kumulang 20 metro.
Agad na isinugod ng Cainta MDRRMO ang biktima sa Cainta Hospital ngunit idineklara itong dead-on-arrival bandang 7:48 ng gabi ni Dr. Jordan Garcia dahil sa matitinding pinsala sa katawan. Minor injuries naman ang natamo ng drayber ng motorsiklo.
Nabatid na nakababatang kapatid ng driver ang biktima.
Kasalukuyan nang nakakulong sa Cainta MPS Custodial Facility ang drayber ng jeep habang inihahanda na ng mga awtoridad ang mga kaukulang dokumento para sa sampahan ng kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide, Physical Injuries, and Damage to Property sa Rizal Provincial Prosecutor’s Office sa Taytay, Rizal.
