Screengrab: Cainta MPS
Dead on the spot ang isang 21-anyos na lalaki matapos magulungan ng isang truck sa kahabaan ng A. Bonifacio Avenue, Barangay San Roque, Cainta, Rizal noong madaling araw ng Sabado, Setyembre 19.
Naganap ang aksidente bandang 1:00 ng madaling araw habang pauwi na ang biktima galing sa paghahatid sa kaniyang kasintahan. Nagtamo ito ng malalang pinsala sa ulo nang masagasaan ng hulihang gulong ng sasakyan.
Lumabas sa pagsusuri ng CCTV na nag-alangan at nabangga muna ng rider ang isang tumatawid na naka-bisikleta dahilan upang mawalan siya ng balanse at matumba sa kalsada.
Paliwanag ni Police Lieutenant Julius Ortega, Chief Admin and Operations ng Cainta Municipal Police Station, bahagya nang nalampasan ng truck ang motorsiklo kaya posibleng hindi agad napansin ng drayber ang pagtaob ng biktima sa likuran nito at hindi na naiwasan magulungan.
Nasa pangangalaga na ng Cainta Police Station ang 47-anyos na drayber ng truck na nakatakdang sampahan ng pamilya ng biktima ng kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide.
