SWAK sa hoyo ang 39-anyos na e-trike driver nang tinutukan ng baril saka pinagbantaan ang kainuman makaraang mapikon sa biruan sa Valenzuela City matapos.
Sa ulat ni Valenzuela Police Chief Col. Joseph Talento kay NPD Director P/BGen. Benliner Capili, alas-10:40 ng gabi, nag-iinuman ang suspek na si alyas “Joel”, at biktimang si alyas “Jerome”, 36, vendor, sa Lanzones St. Brgy. Balangkas nang biruin ng biktima ang suspek na ikagalit nito.
Naglabas umano ng improvised firearm ang suspek saka tinutukan at pinagbantaan ang biktima na sa labis na takot ay nagtatakbo palayo hanggang makahingi ng tulong sa nagpapatrulyang mga tauhan ng Police Sub-Station 5.
Agad namang rumesponde sina P/SMS Israel Gutierrez at Pat. Joshua Miguel Capiral subalit, nang mapansin sila ng suspek ay nagtangka itong tumakas sakay ng isang Yamaha Aerox motorcycle.
Hinabol siya nina P/SMS Gutierrez at Pat. Capiral hanggang sa makorner at nakumpiska sa kanya ang isang improvised firearm (sumpak) na kargado ng isang bala ng shotgun.
Matapos maiprisinta sa Valenzuela City Prosecutor’s Office para sa pagsasampa ng kasong Grave Threat at paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act, dinala na Custodial Facility ng Valenzuela Police Station ang suspek.
Habang nakapiit, dumating sa Valenzuela Police Station si alyas “Dennis”, kasama ang mga pulis ng Sta Maria, Bulacan upang kilalanin si alyas Joel na tumangay ng kanyang motorsiklo habang nakaparada sa harap ng isang paaralan sa Brgy. Caypombo sa naturang bayan.
Positibong kinilala ni alyas Dennis ang nabawing motorsiklo na ginamit ni ‘Joel’ sa pagtakas na kanyang pag-aari at iprinisinta ang dalang certificate of registration at official receipt. (JUVY LUCERO)
