Sa gitna ng banta ng krisis sa enerhiya dulot ng tensyon sa Middle East, muling binuhay ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang panawagan na bawiin o i-repeal ang Downstream Oil Industry Deregulation Law upang maibalik sa pamahalaan ang kontrol sa pagtatakda ng presyo ng petrolyo.
Sa kaniyang pahayag sa Kapihan sa Manila Bay nitong Miyerkules, Marso 11, binigyang-diin ni Sotto na dahil sa kasalukuyang batas, nawalan ng pangil ang gobyerno na pigilin ang overpricing ng mga kumpanya ng langis.
Aniya, panahon na upang muling makialam ang estado para protektahan ang mga mamimili.
Isinusulong din ni Sotto ang Philippine Strategic Petroleum Reserve Act.
Layunin ng panukalang ito na magkaroon ang Pilipinas ng sariling imbakan ng langis na pang-emergency na kayang tumagal ng 90 araw.
Sa pamamagitan nito, magkakaroon ng sapat na supply ang bansa kahit pa magkaroon ng aberya sa pandaigdigang merkado.
Kinumpirma rin ng Senate President na kasalukuyan nang dinidinig sa komite ang pitong (7) panukalang batas na naglalayong bigyan ng emergency powers ang Pangulo.
Kabilang sa mga opsyong pinag-aaralan ay ang pansamantalang pagsuspinde sa excise tax sa mga produktong petrolyo upang agad na mapababa ang presyo sa mga bomba.
Hindi rin pinalampas ni Sotto ang mga kumpanya ng langis na agad nagtataas ng presyo sa kabila ng pagkakaroon ng “old inventory” o mga stock na nabili sa mas murang halaga bago pa tumaas ang presyo sa world market.
Tinawag niya itong pagsasamantala sa gitna ng hirap na dinaranas ng mga Pilipino.
Target ng Senado na mapagsama-sama ang mga panukalang ito at maipasa ang pinal na bersyon sa lalong madaling panahon upang magsilbing kalasag ng publiko laban sa patuloy na pag-akyat ng gastusin sa transportasyon at kuryente.
