Tila naging isang malaking lindol ang bumulaga sa mga Pilipino nitong nakaraang weekend nang ianunsyo ng Department of Energy (DOE) ang dambuhalang pagtaas sa presyo ng petrolyo: ₱9 sa gasolina, ₱19 sa diesel, at nakaka-shock na ₱31 kada litro sa kerosene.
Sa gitna ng krisis na ito, hindi lang basta numero ang gumagalaw; ito ay kumakatawan sa unti-unting pagkaubos ng laman ng sikmura ng bawat pamilyang Pilipino.
Madalas tayong makarinig ng malakas na hiyaw mula sa transport sector sa tuwing may taas-presyo, ngunit nakakaligtaan natin ang pinakamasakit na bahagi ng kwentong ito—ang kerosene o ang tinatawag na “Poor Man’s Fuel.” Para sa mga pamilya sa malalayong baryo na walang kuryente, ang gaas ay hindi lamang pang-luto; ito ang kanilang liwanag sa gabi. Ang kerosene na dating mas mura sa automotive fuels noong panahon ni Marcos Sr. ay naging “specialty product” na ngayon na mas mahal pa sa gasolina. Nakakalungkot isipin na ang mga taong may pinakamahina ang boses sa lipunan ang siyang pinakamabigat ang pasan sa krisis na dulot ng gulo sa Middle East. Sila ang mga biktima ng “historical irony”—kung kailan mas kailangan nila ang gaas, tsaka ito naging ginto ang presyo.
Sa gitna ng krisis na ito, hindi maiiwasang magduda sa motibo ng ilang retailers. Habang sinasabi ng DOE na sapat ang ating inventory para sa 50 araw, bakit tila mabilis pa sa kidlat ang pagpapatupad ng taas-presyo sa mga pump? Ito ba ay pagtugon sa world market o simpleng pagsasamantala?
Tama lamang ang naging direktiba ni Pangulong Marcos Jr. at ang babala ni Senator Sherwin Gatchalian: Huwag gawing negosyo ang paghihirap ng bayan.
Ang hoarding at “premature” price hikes ay hindi lamang labag sa batas; ito ay kawalan ng konsensya. Ang pagkilos ng DILG at PNP upang bantayan ang mga gasolinahan ay patunay na may mga “ganid” na handang magsamantala sa krisis upang kumita nang mabilis.
Ang krisis sa langis ay hindi nagtatapos sa kalsada. Nakakaalarma ang naging babala ng Energy Regulatory Commission (ERC) at IEMOP. Dahil ang ating “energy mix” ay nakadepende pa rin sa imported na coal at LNG, ang bawat sentimong itataas ng langis sa Strait of Hormuz ay mararamdaman natin sa ating bill sa kuryente.
Ito ang masakit na katotohanan ng ating bansa: Masyado tayong “exposed” sa gulo ng mundo. Hangga’t hindi natin napatitibay ang sariling supply ng enerhiya, mananatili tayong hostage ng geopolitical tensions.
Ang commitment ni DOE Secretary Sharon Garin para sa “fair pricing” ay isang magandang panimula, ngunit kailangan itong maramdaman sa aktwal na presyo sa mga probinsya. Hindi sapat ang monitoring; kailangan ang mabilis na parusa sa mga lumalabag sa Batas Pambansa Blg. 33.
Sa panahong ito ng “Energy Crisis,” ang tunay na pagsubok ay hindi lamang sa ating ekonomiya, kundi sa ating pagkatao. Huwag nating hayaang lunurin ng ingay ng mga makina ang hinaing ng mga maralita.
