Hinamon ng Malacañang ang mga indibidwal na nagpapakilalang dating miyembro ng Philippine Marines na patunayan ang kanilang mga mabibigat na alegasyon hinggil sa umano’s milyun-milyong pisong “cash drop” sa mansyon ng pamilya Marcos sa Paoay, Ilocos Norte noong taong 2022.
Sa isang press briefing nitong Huwebes, Hunyo 4, diretsahang binuweltahan ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ang mga testimonya sa Senado, partikular ang pahayag ng isang nagpakilalang dating sundalo na si Belnard Tube.
BASAHIN: P5-M kada ulo ng 18 ex-marines para tumestigo sa flood control scandal
Ayon kay Tube sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Sen. Rodante Marcoleta, naghatid diumano sila ng mga maleta na naglalaman ng malalaking halaga ng pera sa naturang mansyon.
Mariing binigyang-diin ni Usec. Castro na hindi sapat ang puro salita lamang sa mga pagdinig, lalo na’t seryoso ang ibinabato nilang akusasyon laban sa Pangulo.
“Magpakita kayo ng matitibay na ebidensya,” hamon ng opisyal ng Palasyo sa mga testigo. Idiniin ng Malacañang na dapat ay may konkretong basehan at patunay ang mga ganitong pahayag upang hindi ito ituring na bahagi lamang ng politikal na ingay na nakasisira sa imahe ng bansa.
