Defensor ‘ininguso’
Isang malaking pagsisiwalat ang hinarap ngayon ni dating Congressman Mike Defensor matapos itong akusahan na nagbayad umano ng P5 milyong piso sa bawat isa sa 18 dating miyembro ng Philippine Marines na sangkot sa kontrobersyal na flood control scandal.
Sa isang press conference nitong Huwebes, Hunyo 4, inihayag ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na muling binuksan ng ahensya ang imbestigasyon laban sa mga dating sundalo at sa nasabing iskandalo.
Ito ay matapos makakuha ang NBI ng testimonya mula sa isang testigo na nag-ugnay kay Defensor sa umano’y bayaran.
BASAHIN: TRILLANES, ISINIWALAT NA KAMPO NI DUTERTE ANG NASA LIKOD NG PRESSCON NG MGA DATING MARINES
Ayon kay Matibag, nagbigay ng sinumpaang salaysay ang testigo noong Abril 28 at Mayo 6. Dito idinetalye ang ugnayan nito sa isa sa mga marines at ang naging usapan hinggil sa bentahan ng testimonya.
“Mayroong isang indibidwal na nagbigay ng statement nung April 28 tsaka May 6 na meron siyang alegasyon na yung isa doon sa 18 marines, may relasyon sila… at napag-usapan nila,” pahayag ni Matibag sa media.
“Alam niya yung nangyayari sa 18 marines na ‘to at may allegation na may binayad. At pinangalanan si dating congressman Mike Defensor na siya yung nag-offer ng halaga ng P5 million para maging testigo nga, lumabas pag press conference.”
Kinumpirma ng NBI chief na hawak na nila ang mga pirmadong salaysay at naglabas na rin ng mga subpoena noong Hunyo 2 upang pormal na imbestigahan si Defensor, ang mga ex-marines, at ang naturang transaksyon.
BASAHIN: CATAPANG, SINAMPAHAN NG KASO SI ATTY. BALIGOD AT 18 EX-MARINES
Naniniwala si Matibag na may kredibilidad ang testigo dahil kasama nito sa iisang bubong ang pamilya ng isa sa mga dating sundalo.
Ayon sa NBI, partner ng testigo ang anak ng isa sa mga ex-marines at mayroon na silang anak. Bukod dito, ang mga inilahad nitong detalye ay eksaktong nagtutugma sa mga naunang ebidensya at monitoring na nakalap ng ahensya.
Ang testimonya ng 18 ex-marines ang naging mitsa at sandigan ng grupo ni Senador Alan Peter Cayetano sa isinagawang pagdinig ukol sa flood control scandal.
Gayunpaman, ang naturang pagdinig ay una nang hindi kinilala ng bagong mayorya sa Senado (Senate majority) bunsod ng kasalukuyang sigalot sa liderato ng kapulungan.
Habang isinusulat ang balitang ito, wala pang opisyal na pahayag ang kampo ni dating Rep. Mike Defensor hinggil sa mga seryosong akusasyong ipinukol laban sa kanya.
