Mariing kinondena ng Senate media organization si Senator Rodante Marcoleta matapos nitong lantarang akusahan ang ilang miyembro ng mainstream media bilang mga binabayarang mamamahayag o “paid hacks.”
Sa isang opisyal na pahayag, tinawag ng grupo ng mga mamamahayag sa Senado na “iresponsable” at “reckless attack” ang naging binitiwang salita ng senador sa gitna ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Huwebes.
BASAHIN: PREVENTIVE HOLD DEPARTURE ORDER VS MARCOLETA AT DEFENSOR, HINILING SA SANDIGANBAYAN
Ayon sa media, ang ganitong mga paratang ay nagpapahina sa institusyong mahalaga sa pagpapanatili ng demokrasya.
Binigyang-diin ng Senate media na ang walang basehang akusasyon ni Marcoleta ay kawalan ng hustisya para sa mga mamamahayag na itinataya ang kanilang kaligtasan at buhay upang makapag-ulat at makapanagot sa mga nasa kapangyarihan.
Ayon sa grupo, ang mga ganitong malawakang pag-atake ay nagdudulot ng poot at panganib sa mga reporter, habang nagpapababa rin sa tiwala ng publiko sa lehitimong pamamahayag.
Sa panahong talamak ang disimpormasyon at polarisasyon sa politika, nanawagan ang organisasyon sa mga opisyal ng gobyerno na maging mas maingat at responsable sa kanilang mga pahayag.
Ipinaalala ng grupo sa mambabatas na ang media ay hindi nagtatrabaho para sa mga politiko, partido, o alinmang nagtutunggaliang kampo sa pamahalaan.
“Ang Fourth Estate (Media) ay umiiral para magsilbi sa interes ng publiko. Tungkulin nitong hanapin ang katotohanan, i-verify ang impormasyon, kwestiyunin ang mga nasa kapangyarihan, at mag-ulat nang walang kinatatakutan o kinikilingan,” pahayag ng Senate media.
Idinagdag pa ng organisasyon na hindi dapat kaladkarin ang mga mamamahayag sa mga personal na away, gantihan, at agawan ng kapangyarihan sa politika. Mapanganib umano ang gawing sandata ang press o gawin itong collateral damage sa tuwing may inilalabas na mga balitang hindi paborable para sa mga politiko.
Bagama’t bukas ang media sa mga kritisismo, nilinaw ng grupo na may malaking pagkakaiba ang “nakatutulong na puna” sa “pangkalahatang paninira” sa buong propesyon.
Dahil dito, hinamon ng Senate media si Sen. Marcoleta na maglahad ng konkretong ebidensya sa kanyang mga paratang sa halip na gumamit ng mga mapanirang salita na nagpapahina lamang sa mga demokratikong institusyon ng bansa.
Sa pagtatapos ng pahayag, muling iginiit ng grupo na ang katapatan ng malayang pamamahayag ay nasa katotohanan at sa taumbayan lamang, at karapatan nilang mag-ulat nang hindi naba-brand, nabubully, o nagiging sakripisyo sa laban ng mga politiko.
