Screen grab: Pasig News Update
Hayagang ibinunyag ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang serye ng matitinding aligasyon ng kurapsyon at kwestyonableng paggasta ng pondo sa Barangay Manggahan na umabot sa milyun-milyong piso.
Sa isang talumpati, inilatag ng alkalde ang ilang disbursement voucher ng barangay na kinapapalooban ng mga ghost projects at kaduda-dudang pagbili ng mga suplay na walang kaukulang dokumentasyon.
Kabilang sa mga binigyang-diin ni Sotto ang halagang ₱548,500 para diumano sa pagsasagawa ng earthquake and fire drills, at ₱566,423.30 para naman sa pagbili ng Basic Life Support (BLS) at First Aid supplies.
Ayon sa alkalde, walang makitang ebidensya o proper documentation ang pamahalaang lungsod na naganap nga ang mga naturang pagsasanay at proyekto.
Bukod dito, kinuwestyon din ni Sotto ang anomalya sa pagbili ng mga wheelchair na nagkakahalaga ng mahigit P235,000, kung saan wala umanong kahit isang pirasong wheelchair ang nakarating sa mga tauhan o kagawad ng barangay.
“Pati taong hindi makalakad, ninakawan. Persons with disabilities ang ninakawan,” pahayag ni Sotto.
Inihayag din ng alkalde na may mga ulat silang natanggap na maging ang mga personal na bayarin tulad ng kuryente sa Meralco, Manila Water, at upa sa bahay ng ilang opisyal ay kinukuha na rin sa kaban ng barangay.
BASAHIN: VICO SOTTO, KINASUHAN SI SARAH DISCAYA SA COMELEC
Ipinaalala ni Sotto na ang Barangay Manggahan ay may taunang pondo na nagkakahalaga ng P130 milyong piso—isang badyet na mas malaki pa kumpara sa maraming munisipalidad at lungsod sa bansa.
Babala ng alkalde, titiyakin nilang walang nakalulusot na ghost employees at hindi gagamitin ang pondo ng mamamayan para sa pansariling politika.
Bagamat hiningi ng alkalde ang pasensya ng publiko habang isinasagawa ang case build-up, tiniyak niyang dadaan sa tamang proseso at legal na hakbang ang administrative aspect ng kaso sa tulong ng City Council.
Nilinaw ni Sotto na tuloy ang pagsasampa ng mga kaukulang kaso laban sa mga mapatutunayang nagkasala upang magkaroon ng pananagutan at hindi na pamarisan ng mga susunod na mamumuno.
Nananawagan din ang alkalde sa mga taga-Pasig na baguhin ang pananaw sa pagpili ng pinuno at huwag magpaloko sa palakasan o “mabait” na sistema, kundi sukatin ang mga opisyal batay sa katapatan, kahusayan, at kalidad ng serbisyo.
