Pormal nang nagsampa ng reklamo si Pasig City Mayor Victor Ma. Regis “Vico” Sotto laban sa kanyang naging katunggali sa pagka-alkalde noong 2025 na si Cezarah Rowena “Sarah” Discaya.
Ang reklamo ay inihain sa Commission on Elections (Comelec) nitong Huwebes, Pebrero 19, 2026.
Inakusahan ni Sotto si Discaya ng paglabag sa Section 100 ng Omnibus Election Code. Batay sa reklamo, lumampas umano ang gastos sa kampanya ni Discaya sa itinakda ng batas. Sa laki ng bilang ng mga rehistradong botante sa Pasig (mahigit 463,000), ang limitasyon sa gastos ni Discaya bilang kandidatong may partido ay nasa P1.39 milyon lamang.
Kinasuhan din si Discaya ng Perjury (Article 183 ng Revised Penal Code). Ayon kay Sotto, nagsumite si Discaya ng mga “untruthful statements” sa kanyang Statement of Contributions and Expenses (SOCE).
Sa kanyang SOCE, idineklara ni Discaya na P895,000 lamang ang kanyang kabuuang gastos para sa mga printed materials.
Gayunman, iginiit ni Sotto na hindi idineklara ang mga gastos sa digital advertisements, billboards, at outdoor political ads na nakita noong panahon ng kampanya.
Kalakip ng affidavit ang mga screenshots ng digital ads na may markang “paid by” o “donated by,” na hindi umano makikita sa opisyal na ulat ni Discaya. Binigyang-diin ni Sotto na bilang isang “concerned citizen,” layunin niya lamang na mapanatili ang integridad ng sistemang elektoral sa bansa.
Si Sarah Discaya ay ang Chief Financial Officer ng St. Gerrard Construction Corp., na dati nang kinuwestiyon ni Sotto dahil sa mga isyu sa flood control projects at mga kontrata sa gobyerno.
Matatandaang tinalo ni Sotto si Discaya sa isang landslide victory noong nakaraang eleksyon.
