Photo: PBA
Pormal nang inilabas ng Philippine Basketball Association (PBA) ang opisyal na listahan ng mga kandidato para sa Best Import at Best Player of the Conference (BPC) para sa Commissioner’s Cup, kung saan laking gulat ng marami na hindi kwalipikado ang paboritong si Bol Manute Bol.
Sa kabila ng kanyang dominanteng laro, hindi nakapasok ang 7-foot-3 import ng TNT Tropang 5G na si Bol Bol sa opisyal na listahan dahil sa umiiral na regulasyon ng liga. Ayon sa matagal nang panuntunan ng PBA, ang isang import ay awtomatikong kwalipikado lamang kung ang kanyang koponan ay aabot sa semifinals at mananatili siyang naglalaro hanggang sa huling laban ng kanyang mother club.
Bagamat binuhat ni Bol (na nagtala ng league-best 55.2 statistical points, 35.88 points, at 13.7 rebounds) ang TNT sa semis matapos patalsikin ang top seed NLEX, nagtapos ang kanyang kampanya nang dumanas ito ng full tear sa kanyang Achilles tendon sa Game 2 ng kanilang serye laban sa Meralco.
Si Bol ay pinalitan ni Chris McCullough matapas mabigo ang unang prospect na si Malick Diouf dahil sa hindi naprosesong eligibility papers. Gayundin ang naging sinapit ni Marvin Jones ng Meralco na napalitan ni Patrick Gardner matapos ang Game 3 ng semis.
Dahil dito, ang apat na opisyal na maglalaban-laban para sa prestihiyosong parangal sa mid-season conference na walang height restriction ay sina:
- Justin Brownlee (Barangay Ginebra) – 50.5 SPs sa 19 na laro
- Jaylen Johnson (Rain or Shine) – 47.2 SPs sa 18 na laro
- Chris McCullough (TNT) – 49.3 SPs sa 3 laro
- Patrick Gardner (Meralco) – 44.7 SPs sa 3 laro
Samantala, naging dikit at kapana-panabik naman ang karera para sa Best Player of the Conference (BPC) kung saan ang sophomore guard ng Barangay Ginebra na si RJ Abarrientos ang itinuturing na “prohibitive favorite” ngayon.
BASAHIN: Arespacochaga, absent muna sa Game 1 at 2 ng PBA Finals dahil sa Gilas girls
Ito ay matapos mabigo ang mga nangungunang sina Robert Bolick ng NLEX (38.9 SPs) at June Mar Fajardo ng San Miguel (38.6 SPs) na makapasok sa semifinals stage.
Nakuha ni Abarrientos ang atensyon ng publiko nang magrehistro ito ng back-to-back 30-plus points sa semifinals series ng Ginebra laban sa Rain or Shine—31 puntos sa Game 5 at 30 puntos sa Game 6. Ang kanyang pinakawalang performance ay ang kauna-unahang pagkakataon para sa isang Ginebra player sa loob ng isang dekada, na huling nagawa ni Mark Caguioa noong 2006-07 Philippine Cup finals.
Kabilang din sa Top 5 ng BPC sina Ricci Rivero ng Phoenix (33.6 SPs) na nasa ikaapat na pwesto, at Jerrick Ahanmisi (32.8 SPs) na nasa ikalimang pwesto habang naglalaro pa para sa Terrafirma.
