Hindi makakasama ni TNT Tropang Giga head coach Chot Reyes ang isa sa kaniyang mga pinagkakatiwalaang katuwang sa bench sa pagsisimula ng PBA Commissioner’s Cup Finals ngayong Miyerkules ng gabi laban sa Barangay Ginebra sa Smart Araneta Coliseum.
Ito ay matapos kumpirmahin na mawawala si deputy coach Sandy Arespacochaga sa unang dalawang laro ng best-of-seven series dahil kasalukuyan nitong pinapanderan ang Gilas Women’s U18 team na sumasabak sa FIBA Women’s Asia Cup SEABA Qualifiers sa Lungsod ng Bacolod.
BASAHIN: SOTTO, QMB, AT OFTANA, HINDI MAKAKAPAGLARO SA GILAS
Itinuturing naman ng beteranong assistant coach na isang ‘happy problem’ ang kaniyang sitwasyon, lalo pa’t nagawang makabalik ng Tropang Giga sa finals para sa tsansang madepensahan ang kanilang korona.
Umalis si Arespacochaga kasama ang buong national team noong Lunes—wala pang 24 oras matapos selyuhan ng TNT ang kanilang serye laban sa Meralco, 97-94, sa Game 7 ng semifinals.
“Hahabol na lang ako as soon as matapos ‘yung tournament,” ani Arespacochaga.
Inaasahang magtatapos ang SEABA qualifiers sa Sabado na gaganapin sa STI West Negros University gym, kaya naman target ni Arespacochaga na makabalik sa bench ng TNT sa Game 3 sa Linggo na gaganapin naman sa Mall of Asia Arena.
Habang wala si Sandy, aasahan muna ni Coach Chot ang kaniyang iba pang mga deputy na sina Josh Reyes (lead assistant), Bong Ravena, Ranidel De Ocampo, Yuri Escueta, at Ryan Reyes.
Maganda naman ang simula ng Gilas girls sa ilalim ni Arespacochaga matapos tambakan ang Vietnam, 93-42, noong Martes, at sunod nilang makakasagupa ang Singapore ngayong Miyerkules. Makakalaban din nila ang Indonesia sa Huwebes, magpapahinga sa Biyernes, bago tapusin ang torneo laban sa Thailand sa Sabado.
Ito ang unang pagkakataon na hawakan ni Arespacochaga ang Gilas girls, na nagkaroon lamang ng isang buong team practice noong Lunes matapos humabol ng mga huling dumating mula sa Amerika na sina Tiffany Reyes at Sophia Dignadice.
“We have high hopes,” dagdag pa ng coach sa kaniyang ekspektasyon sa pambansang koponan.
