Mga Cabalen, may katotohanan sa mga salita ni Father Robert Reyes. Isang katotohanan na matagal nang alam ng marami, pero iilan lamang ang may lakas ng loob na sabihin nang lantaran.
Sa kanyang panawagan sa EDSA Shrine, hinamon niya ang mga kapwa pari, obispo, at cardinal na putulin na ang ugnayan sa mga political dynasty at mga makapangyarihang nakaugat sa korapsyon.
“Kapag naging mahirap ka, mas makakasama mo ang mahihirap,” wika niya. Isang mensaheng tila simpleng pahayag ng pananampalataya, pero sa likod nito’y matinding dagok sa isang Simbahang minsan nang natukso ng yaman at impluwensya.
Hindi naman siguro bago sa atin, mga Cabalen, ang balitang may ilang simbahan o proyekto ng simbahan na pinondohan ng mga politiko o negosyanteng nasasangkot sa katiwalian.
Kamakailan nga, isang ulat ang nagbunyag na may simbahan sa Romblon na itinayo sa tulong ng mga personalidad na ngayon ay iniimbestigahan dahil sa flood control scandal. Kung totoo ito, paano na ang moral high ground na lagi nating inaasahan sa Simbahan?
Ang hamon ni Father Reyes ay hindi lang para sa mga nakabarong o nakasutana, mga Cabalen. Ito’y para sa lahat ng Katolikong naniniwala na ang Simbahan ay dapat ilaw sa gitna ng dilim. Sapagkat paano nga namang mangunguna sa laban kontra kasamaan ang Simbahang nakatali sa mga makasalaning sistema?
“The Church becomes unfaithful to her mandate when she is corrupted. It no longer speaks. It no longer complains when evil things happen,” punto pa niya.
Mga Cabalen, kapag tinabunan na ng donasyon ang katotohanan, at pinatahimik ng koneksyon ang konsensya, nawawala ang tunay na diwa ng pananampalataya. Hindi dapat manahimik ang simbahan lalo na sa harap ng kasamaan.
