LABIS na nabahala si Film Development Council of the Philippines (FDCP) chairman at CEO Jose “Joey” Javier Reyes matapos mapanood ang pelikulang Quezon, na hango sa buhay ni dating pangulong Manuel L. Quezon.
Sa isang Facebook post nitong Biyernes, Oktubre 24, inamin ni Reyes na “greatly disturbed” siya sa paraan ng pagkakalarawan kay Quezon sa pelikula ni direktor Jerrold Tarog.
“I have just watched QUEZON and I left the moviehouse greatly disturbed,” ayon kay Reyes. “This is because I wanted to find out: (1) In a biographical movie such as this, where does the FACT end and the FICTION begin?”
Dagdag pa niya, bilang panghuling bahagi ng Bayaniverse, ang serye ng mga pelikula ni Tarog tungkol sa mga makasaysayang bayani ng bansa, nais niyang maunawaan kung ano ang gustong iparating ng direktor sa pagtatapos ng trilohiya.
Ang pelikula ay nasangkot sa kontrobersiya matapos punahin ni Ricky Avanceña, apo ni Quezon, sina Tarog at pangunahing aktor na si Jericho Rosales dahil umano sa maling interpretasyon sa imahe ng dating pangulo.
Sa gitna ng mainit na diskusyon, ipinahayag din ni Reyes ang kanyang pagkadismaya sa mas malaking bilang ng mga manonood ng CineSilip entries kumpara sa Quezon.
“Why are there more people watching the SINESILIP movies than an ambitious epic of historical note like QUEZON? I shall not sleep well tonight thinking about this,” ani Reyes.
Ang Quezon ay ang ikatlong pelikula sa tinaguriang Bayaniverse ni Tarog, kasunod ng Heneral Luna at Goyo: Ang Batang Heneral.
