POSIBLENG bumaba ang kabuuang pondo ng 2026 national budget mula sa P6.7 trilyon na inihain ng ehekutibo, ayon kay Sen. Sherwin Gatchalian, chair ng Senate Committee on Finance.
Sa panayam nitong Linggo, sinabi ni Gatchalian na lumalabas sa kasalukuyang deliberasyon ng Senado na maraming ahensya ng gobyerno ang maaaring bawasan ng pondo dahil sa mga proyektong hindi maipaliwanag o hindi prayoridad.
“Marami akong nakikitang ahensya na puwedeng bawasan o tanggalan ng pondo. May mga proyekto silang hindi naman kayang ipaliwanag, at may mga government corporations na humihingi ng pondo kahit may sarili naman silang kita,” ani Gatchalian.
Ayon sa senador, uunahin ng Senado ang mga ahensiyang tunay na nangangailangan ng pondo tulad ng sektor ng edukasyon at social welfare, kung saan maaaring ilipat ang natitipid na alokasyon upang pondohan ang paggawa ng silid-aralan, pagbili ng mga libro at kagamitan, at mga feeding program.
“Kung nailipat na sa mga nangangailangan at may sobra pa, baka hindi na namin ilipat iyon para makatipid rin tayo,” dagdag ni Gatchalian.
Tinatayang P400 bilyon ang maaaring matipid ng pamahalaan sa rebisyon ng budget: P340 bilyon mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH), P10 bilyon mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), at P2 bilyon mula sa ilang Government-Owned or Controlled Corporations (GOCCs).
Nilinaw ni Gatchalian na hindi maaapektuhan ang pondo para sa mga flagship programs ng gobyerno at mananatili rin ang counterpart funding para sa mga proyektong pinopondohan ng mga banyagang institusyon.
“Hindi ako sang-ayon na bawasan iyon dahil mapapahiya tayo sa foreign funders natin,” giit niya.
Dagdag pa ng senador, napagkasunduan na ng mga mambabatas na i-livestream ang bicameral conference committee deliberations sa budget upang mas mapalakas ang transparency, ngunit kailangang plantsahin muna ang mga patakaran sa pagpapatupad nito.
“Mas mainam na makita ng publiko kung paano pinagdedebatehan at binabago ang budget. Transparency builds trust,” ani Gatchalian. (MINA PADERNA)
