NAGLABAS ng matinding pahayag ang samahan ng mga retiradong heneral at flag officers ng Armed Forces of the Philippines (AFP), na mahigpit na nagbabala laban sa anumang tangkang “extra-constitutional move” gaya ng pagtatatag ng military junta, na tinawag nilang isang “malagim na pagtataksil sa demokrasya.”
Sa inilabas na pahayag ng Association of General and Flag Officers (AGFO) noong Oktubre 24, nagpahayag ang grupo ng kanilang “buo at malinaw na suporta” sa Department of National Defense (DND) at sa kasalukuyang liderato ng AFP sa pagtataguyod ng konstitusyonal na kaayusan.
“Ang anumang extra-constitutional move, gaya ng military junta, ay magiging isang trahedya at pagtataksil sa demokrasya,” ayon sa AGFO.
“Ito ay pagtalikod sa mga prinsipyong demokratikong buong buhay naming ipinaglaban, at magdudulot ng pinsalang magpapahina sa ekonomiya, magpapasama sa imahe ng bansa, at magpapatindi ng hirap ng bawat Pilipino.”
Lumabas ang pahayag sa gitna ng mga kontrobersiya ng korapsyon sa mga proyekto ng imprastruktura at mga espekulasyon ng destabilization o tangkang pagpapabagsak sa gobyerno.
Nauna nang nagbabala si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na magkakaroon ng “malagim na kahihinatnan” kung may grupong susubok na pahinain ang kapangyarihan ng sibilyang pamahalaan.
Sinabi ni Maj. Gen. Gerardo Layug (Ret.), pangulo ng AGFO, na sinusuportahan nila ang panawagan ni Teodoro para sa pagkakaisa at pagsunod sa mga demokratikong proseso.
“Itinuturo na ng kasaysayan na ang militar ay hindi solusyon sa mga problemang pampulitika,” dagdag pa ng grupo.
Bagaman kinilala ng AGFO ang galit ng publiko sa mga isyung may kinalaman sa korapsyon, iginiit nilang dapat malinaw ang hangganan sa pagitan ng lehitimong protesta at labag sa batas na hakbang.
“Ipinapahayag namin ang aming pakikiisa sa mamamayang galit sa katiwalian. Ngunit dapat malinaw: ang mapayapang paghiling ng pananagutan ay karapatang demokratiko; ang paggamit sa galit ng taumbayan para sa labag sa batas na agenda ay isang pagtataksil sa bayan,” ayon pa sa kanilang pahayag.
Hinimok ng grupo ang mga Pilipino na pairalin ang “kapanatagan at pagkakaisa sa ilalim ng Konstitusyon.”
“Ang tanging daan tungo sa pagbabago ay ang pagsugpo sa korapsyon at pananagutan sa pamamagitan ng mga legal at demokratikong mekanismo ng ating bansa,” giit ng AGFO.
Ang AGFO, na itinatag noong 1998, ay binubuo ng mga dating mataas na opisyal ng AFP at matagal nang nagsisilbing tinig ng propesyonalismo, disiplina, at pagtatanggol sa demokratikong institusyon.
