Mariing kinondena ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang pagkakaabsuwelto nina dating Senate President Juan Ponce Enrile, dating chief of staff niyang Gigi Reyes, at negosyanteng Janet Lim Napoles, na tinawag nitong malinaw na patunay ng nagpapatuloy na katiwalian at kawalang-panagutan sa hanay ng mga makapangyarihan.
Ayon sa pahayag ng Bayan, ang desisyon ng Sandiganbayan ay “malagim na paalala kung paano pinoprotektahan ng hustisya ang mayayaman at makapangyarihan”, habang ang karaniwang mamamayan ay patuloy na naghihirap sa epekto ng korapsyon.
“Ito ay nakapanginginig na paalala kung paano pinapayagan ng sistema ng hustisya ang mga tiwaling pulitiko at burukrata na nakawan ang kaban ng bayan nang walang takot sa pananagutan,” pahayag ng grupo.
Binigyang-diin ng Bayan na ang pagkakaabsuwelto ni Enrile, na kasalukuyang Presidential Legal Counsel, ay sumunod lamang sa sunod-sunod na pagkakadismiss ng mga kaso ng ill-gotten wealth ng pamilya Marcos at mga kaalyado nito.
“Nakakagalit na wala ni isang pulitiko ang nahatulan kaugnay ng pork barrel scam. Bakit si Napoles lang ang nakakulong, habang malaya ang mga mastermind at kasabwat sa gobyerno?” tanong ng grupo.
Inihalintulad din ng Bayan ang pork barrel scam sa lumalaking iskandalo sa flood control projects, kung saan umano’y nagsabwatan ang mga kontratista, opisyal ng gobyerno, at mga politiko sa pamamagitan ng rigged biddings, kickbacks, at ghost projects.
“Ang pag-absuwelto kina Enrile at Napoles ay isang insulto sa bawat Pilipinong araw-araw na naghihirap dahil sa katiwalian,” dagdag ng grupo.
Babala pa ng Bayan, maaaring sundan ng mga sangkot sa flood control corruption ang yapak ng mga absuweltadong opisyal, hintayin lamang humupa ang galit ng publiko at gamitin ang kanilang “nakaw na yaman” para makaiwas sa hustisya.
“Hindi dapat ito palagpasin. Dapat patuloy nating kundenahin ang cover-up sa mga imbestigasyon laban sa korapsyon,” anila.
Matapos ang tatlong buwan mula sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., itinampok ng grupo na iisa pa lamang ang nakasuhan kaugnay ng malawakang katiwalian sa imprastruktura.
“Si Marcos Jr. mismo, na may pangunahing pananagutan sa pagpapanatili ng pork barrel insertions, ay dapat managot,” ayon sa Bayan.
Nanawagan ang grupo ng malawakang kilos-protesta laban sa desisyon ng korte at sa nagpapatuloy na katiwalian sa pamahalaan.
“Panahon na para ipakita na mas makapangyarihan ang taumbayan kaysa sa mga tiwaling nasa kapangyarihan,” giit ng Bayan.
“Hustisya, pananagutan, at tunay na pagbabago—’yan ang sigaw ng bayan.”
