Binigyang-diin ni Senior Citizens Partylist Representative Rodolfo “Ompong” Ordanes ang kahalagahan ng pagkakaroon ng patas at inklusibong sistema sa property appraisal at assessment sa bansa.
Ito ay matapos maimbitahan ang mambabatas bilang Guest Speaker sa ginanap na 19th National Convention and Annual Seminar on Real Property Appraisal and Assessment sa Paradise Garden Resort Hotel and Convention Center sa Boracay.
Sa kanyang mensahe sa mga eksperto at opisyal na dumalo sa kombensyon, ibinahagi ni Ordanes na ang maayos na sistema ng pagtatasa ng ari-arian ay hindi lamang usaping teknikal, kundi may malaking epekto sa konteksto ng serbisyong panlipunan at pag-unlad ng mga komunidad.
Ayon sa kongresista, ang isang makatarungang sistema ay direktang nakatutulong sa kapakanan ng mga mamamayan, lalo na ang mga senior citizens na madalas ay umaasa sa wastong valuation ng kanilang mga ari-arian para sa kanilang seguridad sa pananalapi.
Hinimok din ni Ordanes ang bawat sektor na naroon na isulong ang mga polisiyang may malasakit at nakatuon sa kapakanan ng mas nakararami.
“Dapat nating masiguro na ang ating mga polisiya ay patas at makatao upang walang maiiwan sa pag-unlad ng ating bansa,” ayon sa mambabatas.
Ang pagdalo ni Ordanes sa naturang seminar ay bahagi ng kanyang patuloy na pagsuporta sa mga inisyatibang nagtataguyod ng maayos na pamamahala (good governance).
Nanindigan ang mambabatas na sa pamamagitan ng tamang appraisal at assessment, mas mapalalakas ang serbisyong makatao para sa lahat ng sektor sa Pilipinas.
