Mariing itinanggi ni Julie Defensor ang mga paratang na ibinabato laban sa kanya at sa kanyang anak kasunod ng isinagawang operasyon ng National Bureau of Investigation (NBI).
Sa isang opisyal na pahayag, binatikos ni Defensor si Atty. Matibag ng NBI at tinawag na “walang basehan” at “malisyoso” ang pag-uugnay sa kanilang pamilya sa mga iligal na aktibidad.
Hindi nagpa-tumpik-tumpik si Defensor sa pag-address sa opisyal ng NBI. Ayon sa kanya, kung may personal o politikong hidwaan ito laban sa kanyang asawang si Mike Defensor, dapat ay direkta itong harapin at huwag nang mandamay ng pamilya.
“Kung may problema ka sa asawa ko, siya ang harapin mo at ‘wag kami ng mga anak ko ang idamay mo!” hamon ni Julie Defensor.
Tahasang itinatanggi ni Julie na may kinalaman sila sa sinalakay na establisyimento.
Ayon sa kanya, ang layunin ng NBI ay gumawa ng pekeng ebidensya upang makapaghain ng mga kasong “unbailable” laban sa kanya at sa kanyang anak.
Binigyang-diin ni Defensor na dahil sa umano’y “political harassment” na ito, halos 1,000 empleyado ang nawalan ng trabaho dahil lamang sa koneksyon ng kanilang kumpanya sa kanyang asawa.
Ayon kay Defensor, hindi sila magpapasindak sa tinawag niyang “cowardly tactics” o taktikang duwag. Bilang isang ina, prayoridad niya ang proteksyon ng kanyang pamilya at handa silang gamitin ang lahat ng legal na hakbang upang linisin ang kanilang pangalan.
Nanindigan siya na ang ginagawa sa kanila ay isang malinaw na political vendetta kung saan ginagawang “pawns” o piyesa ang mga inosenteng manggagawa at miyembro ng pamilya.
