Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na sapat ang suplay ng bigas at palay sa bansa para sa susunod na limang buwan sa kabila ng mga banta ng krisis sa Middle East at ang inaasahang pagtama ng El Niño.
Sa naging panayam kay DA Assistant Secretary Arnel De Mesa sa Kapihan sa Samahang Plaridel, ibinahagi nito na nasa “harvest season” o anihan ang bansa kaya nananatiling matatag ang imbentaryo ng pagkain.
Ayon kay De Mesa, mayroong naitalang 1.88 million metric tons ng bigas sa bansa, kung saan 48% nito ay nasa mga kabahayan, 22% sa National Food Authority (NFA), at 30% naman sa mga commercial traders.
Sa kabila ng positibong ulat sa suplay, nagbabala ang kagawaran sa tatlong posibleng “shocks” na kailangang paghandaan ng sektor ng agrikultura sa mga susunod na buwan.
Ang gulo sa Middle East ay maaaring magpataas sa presyo ng krudo na direktang makaaapekto sa operasyon ng mga traktora at makinarya ng mga magsasaka.
“Malaki ang posibilidad na magkaroon ng muling pagtaas sa presyo ng fertilizer. Bago pa man magsimula ang giyera, nasa P1,500 lamang ang presyo ng bawat sako ng urea at complete fertilizer, ngunit ngayon sa Region 1 at Region 2 ay pumapalo na ito sa P2,800. Ito ang itinuturing na peak ng presyo noong panahong iyon, kaya naman masusing binabantayan ng kagawaran upang hindi na magpatuloy pa ang ganitong problema sa sektor,” ani De Mesa.
Ang matinding tagtuyot na inanunsyo ng PAGASA ay posibleng makaapekto sa productivity ng mga sakahan sa huling bahagi ng taon hanggang sa unang bahagi ng 2027.
Bilang tugon, ipinapatupad na ng DA ang mga short-term measures gaya ng pagbibigay ng fuel subsidy na nagkakahalaga ng P5,000 para sa mga magsasakang gumagamit ng makinarya.
Bukod dito, mayroon ding Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk (PAFF) kung saan makatatanggap ng P2,325 cash assistance ang tinatayang 4.1 milyong magsasaka at mangingisda.
Binigyang-diin ni De Mesa na ang fuel subsidy cards ay “lock-in” sa mga gasolinahan upang matiyak na gagamitin lamang ito para sa produksyon at hindi sa ibang gastusin gaya ng grocery.
Para sa long-term intervention, pinag-aaralan na rin ng DA ang pagtatayo ng sariling planta para sa fertilizer (coal-to-urea) at pagpaparami ng cold storage facilities upang maiwasan ang pagkasira ng mga ani at mapanatili ang tamang presyo sa merkado.
Sa kasalukuyan, may nakalang na P1 bilyon para sa mga ayuda at nakahanda ang DA na humingi ng replenishment sa Development Bank of the Philippines (DBP) kapag naubos ang pondo upang masiguro na tuloy-tuloy ang suporta sa mga producer ng pagkain sa bansa.
