

MANILA — Binalikan ng dalawang respetadong pangalan sa mundo ng fashion at beauty industry—Renee Salud at Ricky Reyes—ang kanilang makukulay na kwento mula sa pagiging simpleng bakla hanggang sa pagiging mga haligi ng industriya, sa isang candid at emosyonal na panayam sa Toni Talks sa YouTube.
Sa edad na 75 at 77, sina Mother Ricky at Mama Renee ay walang inurungan sa pagbabahagi ng kanilang personal na karanasan, lalo na pagdating sa mga relasyong homosekswal at ang reyalidad sa likod ng pakikipagrelasyon sa tinatawag nilang “real men.”
Diretsahang sinabi ni Ricky Reyes na hindi pangmatagalan ang relasyong bakla at lalaki.
“Maswerte ka na kung ang tunay na lalaki ay samahan ka sa paglalakad. Pero pag dumating ang babaeng para sa kanya, iiwanan ka rin. At masasaktan ka. Kaya huwag kang umasa. Matutong umiwas sa tamang panahon,” payo ni Mother Ricky.
Inihalintulad niya ang relasyon sa musika—may simula at may wakas.
“Kapag tapos na ang kanta, alis na. Huwag ka nang manghila ng manggas.”
Ayon sa kanya, ang tunay na lalaki sa gay relationship ay kadalasang tingin sa sarili ay “sex object.” Aniya, dapat matutong magbigay ng halaga at pag-ibig ang mga bakla, hindi lang puro paghahangad.
Samantala, ibinahagi ni Renee Salud ang pait ng pagkakahiwalay sa dati niyang kasintahan, na bigla na lamang nawala matapos niyang ibigay ang lahat.
“Para akong itinapon na mainit na patatas,” aniya.
May 49 taon nang kasama ni Ricky ang kanyang partner, at ibinahagi niya ang sikreto:
“Dapat marunong kang magpaka-babae. Maging submissive. Kung akto ka ng akto na parang modern woman, chances are, mawawala ang asawa mo.”
Para sa kanya, dapat ay walang limitasyon ang pagmamahal: “Kapag mahal mo ang tao, dapat lagi kang nariyan, anuman ang mangyari.”
Dagdag pa ni Renee, mas mainam ang pagiging partners kaysa pagpapakasal, lalo na sa usaping legalidad ng ari-arian.
“Kung ari-arian ang pinag-uusapan, mas okay na maging partners na lang. Mag-usap kayo.”
Nilinaw ni Ricky na ang kasal ay para lamang sa lalaki at babae:
“Marriage is only for a man and a woman, which God created since the beginning of time. Let’s not destroy what God has created. That’s overboarding,” aniya.
Sa kabuuan, ang panayam ay hindi lang basta pagbabalik-tanaw sa buhay ng dalawang ikon ng LGBTQIA+ community, kundi isang bukas na diskurso sa realidad ng pag-ibig, pananampalataya, at pagkatao.