

BUKIDNON — Isang hole-in-one at isang breakout debut ang nagtulak sa mga batang golf phenoms na sina Kimberly Baroquillo ng Davao at Jamie Barnes ng Cagayan de Oro para dominahin ang kani-kanilang divisions sa ICTSI Del Monte Junior PGT Championship nitong Huwebes, Hunyo 26.
Si Baroquillo, 13 anyos, ay bumandera sa girls’ 11-14 division, matapos magtala ng dalawang sunod na 73 para sa kabuuang 146, apat na palo sa unahan ni Mactan leg winner Britanny Tamayo. Pinakamatunog na highlight ng kanyang kampanya ang hole-in-one sa 147-yard hole No. 12 gamit ang kanyang TaylorMade 7-iron—isang bihirang feat na nagkamit sa kanya ng sertipiko at ₱10,000 mula sa Del Monte Golf Club.
“Tinarget ko talaga sa kanan, taliwas sa payo ng caddie ko — pero pumasok pa rin!” ani Baroquillo, isang estudyante ng Homeschool Global na nagpupursige rin sa South Pacific Golf.
Sa mas batang division, namukadkad si Soleil Molde sa girls’ 7-10 category matapos manguna ng tatlong palo sa opening round at tapusin ang torneo sa kabuuang 156. Nanalo siya ng pitong palo laban kay Clarin Quiño. “Maraming pagsubok pero nagpatuloy lang ako. Tinulungan ako ng Diyos,” sambit ng 8-anyos na tubong Davao.
Sa panig ng boys’ division, nangibabaw ang debutanteng si Jamie Barnes, 9 anyos mula CDO, sa boys’ 7-10 category sa kanyang unang sabak sa JPGT. Bumira siya ng apat na birdies sa limang butas mula No. 10 at nagtala ng 69 para sa 141 total, limang palo sa unahan ng Mactan leg champ Ethan Lago.
“Unang laro ko, nanalo agad ako. Masaya talaga,” ani Barnes, habang nagpapasalamat sa suporta ng kanyang ama at tiyo.
Sa boys’ 11-14 division, bumawi si Ken Guillermo mula sa pagkatalo sa Cebu leg at sinigurado ang korona sa Del Monte matapos magtala ng 73 para sa 143 total. “Walang double bogey buong torneo. Ipinagmamalaki ko ’yan,” ani Guillermo, na pinasalamatan ang kanyang putting skills sa tagumpay.
Kasabay ng kanilang panalo, kinumpirma ng organizers na ang apat na kampeon ay matibay nang kandidato para sa ICTSI North vs. South Elite Junior Finals na gaganapin sa The Country Club sa Laguna sa Setyembre 30 hanggang Oktubre 3.
Samantala, patuloy ang paghahari nina Zero Plete at Alexis Nailga sa 15-18 divisions, parehong nagpamalas ng tikas at konsistensya para manatiling nasa itaas ng leaderboard. Si Plete ay may kabuuang 150 matapos ang dalawang 75s, habang si Nailga ay may 142 matapos ang bogey-free 70 sa ikalawang round.
Ang JPGT Del Monte ay unang leg ng Mindanao swing ng Vis-Min Series ng Pilipinas Golf Tournaments, Inc., kung saan libu-libong junior golfers ang nagsasama-sama para sa karangalang pambansa. RON TOLENTINO