Dinakip ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dating TV host na si Jay Sonza nitong Huwebes ng gabi sa isang bahay sa Project 8, Quezon City.
Ang pag-aresto ay may kaugnayan sa umano’y pagpapakalat nito ng maling impormasyon tungkol sa kalusugan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Isinagawa ang pag-aresto bitbit ang warrant na inisyu ng Pasay City Regional Trial Court (RTC) Branch 118.
Nahaharap si Sonza sa reklamong Unlawful use of means of publication and unlawful utterances (Article 154 ng Revised Penal Code) at paglabag sa Republic Act 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012.
Ayon sa NBI, nakasaad sa warrant na ang nasabing opensa ay “non-bailable” o walang itinakdang piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Nagsimula ang case buildup at cyber-surveillance ng NBI Cybercrime Division (NBI-CCD) noong Enero 2026. Bagaman binura o ni-restrict na ang mga orihinal na post, sinabi ng NBI na matagumpay nilang na-preserve ang ebidensya sa pamamagitan ng digital forensics at authenticated screenshots.
“I was ready to post my bail kanina… so I am surprised they have a warrant tonight. And it was supposed to be bailable, nakalagay dito, non-bailable. We go through the process naman eh,” pahayag ni Sonza sa media matapos ang pag-aresto.
Mariing kinuwestiyon ng abogado ni Sonza na si Atty. Mark Tolentino ang legalidad ng pagkakadetine sa kanyang kliyente.
Ayon kay Tolentino maghahain sila ng manifestation sa korte upang hilingin ang agarang paglaya ni Sonza dahil sa kawalan umano ng legal na batayan.
Iginiit din niya na babantayan nila ang karapatan ni Sonza, lalo na’t ito ay isang senior citizen.
Kukuwestiyunin din nila ang konstitusyonalidad ng inisyung order ng korte.
Sa kasalukuyan, nananatili si Sonza sa kustodiya ng NBI habang hinihintay ang mga susunod na hakbang ng korte.
