
TIKLO ang isang lalaki na sangkot umano sa pagtutulak ng ilegal na droga matapos bentahan ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer sa Navotas City.
Kinilala ni Navotas Police OIC chief P/Col. Renante Pinuela ang suspek na si alyas “Miyong”, 46, ng Brgy. Longos, Malabon City.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Arnold Abad, sinabi ni Col. Pinuela na ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang buy bust operation, sa koordinasyon sa PDEA.
Unang nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng SDEU hinggil sa umano’y ilegal drug activities ng suspek hanggang sa magawa nilang makipagtransakayon kay alyas Miyong.
Bandang alas-11:05 ng gabi nang maaresto ang suspek sa Brgy. NBBS Dagatdagatan matapos tanggapin ang marked money mula sa pulis na nagpanggap na buyer, kapalit ng isang plastic sachet ng shabu.
Nakumpiska sa suspek ang nasa 9.95 grams ng suspected shabu na may standard drug price value na P67,660.00 at buy bust money na isang tunay na P500 bill at limang P1,000 boodle money.
Sinampahan ng pulisya ng kasong paglabag sa Sections 5 at 11, under Article II ng R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang suspek sa City Prosecutor’s Office sa pamamagitan ng inquest proceedings.
