
SA unang pagkakataon, inilahad ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla ang pinagdaanan niyang matinding karamdaman matapos sumailalim sa major heart surgery noong 2023.
Sa isang panayam kay Luchi Cruz-Valdez, isiniwalat ni Remulla na natuklasan niyang may leukemia o kanser sa dugo siya habang nagpapagaling pa lamang mula sa isang quintuple bypass surgery noong siya ay kalihim pa ng Department of Justice (DOJ).
“Noong 2023, ako ay na-diagnose na may sakit sa puso at kinailangang sumailalim sa bypass surgery. Pagkatapos ng operasyon, habang ako’y nagpapagaling, doon ko nalaman na may leukemia ako — cancer of the blood,” ani Remulla.
Ibinahagi rin ng Ombudsman na tuluyan na siyang gumaling mula sa sakit matapos sumailalim sa dalawang cycle ng chemotherapy, total body radiation, at bone marrow transplant.
Ang kanyang anak umano ang nagsilbing donor ng bone marrow, na tumulong upang makabuo muli si Remulla ng malulusog na blood cells at makarekober nang tuluyan.
Si Remulla, na ngayon ay patuloy na ginagampanan ang tungkulin bilang Ombudsman, ay nagsabing ang kanyang karanasan ay nagsilbing pagsubok at inspirasyon upang higit pang mapagtibay ang kanyang pananampalataya at dedikasyon sa serbisyo publiko.
