
NAGULANTANG si dating three-division world champion Johnriel “Quadro Alas” Casimero matapos matalo sa kamay ng Japanese fighter na si Kyonosuke Kameda sa kanilang 10-round super featherweight bout nitong Sabado, Oktubre 25, sa Bishkek Arena.
Ginamit ni Kameda ang kanyang taas at mahabang braso upang kontrolin ang laban, patuloy na nagbabato ng jab habang umiilag sa mga malalakas na suntok ni Casimero.
Sa huling dalawang round, kapansin-pansin ang pagbagal ng Pinoy habang nanatiling kalmado at mas aktibo ang Hapon.
Sa huli, nagkaisa ang tatlong hurado sa desisyong pabor kay Kameda, 98-94, 98-94, at 97-95.
Matapos ang panalo, umangat ang rekord ni Kameda sa 16 panalo, 5 talo, at 2 tabla, kabilang ang 9 knockouts. Si Casimero naman, na isang taon nang hindi lumalaban bago ang bout, bumagsak sa 34 panalo, 5 talo, at 1 tabla na may 23 knockouts.
Bagaman itinuturing na heavy favorite si Casimero bago ang laban, may 92% tsansa ng panalo ayon sa mga boxing analysts, hindi niya nagawang tapusin ang kalaban.
Ilang beses niyang napailing si Kameda, ngunit nanatiling matatag ang Japanese at hindi natumba. Ang pagkatalo ay malaking dagok sa comeback bid ni Casimero, na umaasang muling makapasok sa hanay ng mga top contenders sa apat na pangunahing sanctioning bodies na WBC, WBA, WBO, at IBF. (RON TOLENTINO)
