
NAGBABALA si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na nasisira ang reputasyon ng Pilipinas sa international community dahil umano sa “circus-like” na paraan ng pamahalaan sa paghawak ng mga imbestigasyon laban sa korapsyon.
Sa isang panayam noong Oktubre 23, sinabi ni Cayetano na nakaaapekto na sa mahigit 10 milyong Pilipinong nagtatrabaho at naninirahan sa ibang bansa ang imahe ng bansa bunsod ng umano’y magulong paraan ng pagtugon sa mga isyu ng katiwalian.
“Bilang minority leader, ang pangunahing concern ko ngayon ay kung paano tayo nakikita ng mundo,” ani Cayetano.
“Pero sa ginagawa natin, na parang circus araw-araw, lubusang naaapektuhan ang image ng ating bansa.”
Giit ni Cayetano, hindi na raw sustainable ang kasalukuyang istilo ng gobyerno sa pagtugon sa malawakang korapsyon.
“Kailangan natin ng major reforms, tunay na pagbabago, at may makulong. Hindi puwedeng puro palabas lang,” dagdag niya.
Binanggit pa ng senador na lumampas na ang isyu sa larangan ng pulitika at ngayon ay nakaaapekto na sa reputasyon ng mga Pilipino sa buong mundo.
“Filipinos who travel are being mocked. Sinasabihan tayong corrupt. Eh kung tutuusin, baka wala pang sampung libo ang sangkot. Pero dahil sa paraan ng paghawak dito, parang lahat ng 110 milyong Pilipino ay hinuhusgahan,” paliwanag ni Cayetano.
Nanawagan siya sa mga ahensiya ng pamahalaan na isagawa ang mga imbestigasyon nang may disiplina, katarungan, at respeto sa rule of law.
“Kailangan nating tumigil sa mga distractions at maging desidido sa tunay na paglilinis ng sistema,” aniya.
