September 12, 2024

PHILHEALTH BENEFITS MAS PAGANDAHIN KAYSA TAPYAS-KONTRIBUSYON – RECTO

Photo Credit: Kapihan sa Manila Bay

Para kay Finance Secretary Ralph Recto, mas gugustuhin niya ang mas magandang benefit packages para sa mga miyembro ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) sa kabila ng panawagan ng ilang grupo at mga indibidwal na bawasan ang kontribusyon ng mga miyembro nito.

Sa Kapihan sa Manila  Bay forum, sinabi ni Recto na mas pabor siya sa mas magandang benefit packages para sa mga Filipino upang tulungan na mabawasan ang kanilang gastusin kapag sila’y nagkasakit.

“Payag ba akong bawasan ‘yang contribution? Ang unang sagot ko diyan, I would prefer better benefit packages para makatulong sa ating mga kababayan na mabawasan ‘yung out-of-pocket expenses ng mga nagkakasakit,” saad niya.

Noong nakaraang Agosto 2, naghain ng petisyon ang grupo at mga indibidwal sa pangunguna ni Senator Koko Pimentel sa Supreme Court laban sa paglipat ng P89.9 bilyon na PhilHealth excess funds sa unprogrammed appropriations sa national budget.

Isa si Recto sa mga respondents kasama ang House of Representatives, na kinatawan ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez; ang Senate, na kinakatawan ni Senate President Francis Escudero; Executive Secretary Lucas Bersamin; at PhilHealth, na kinakatawan ng presidente nito na si Emmanuel Ledesma Jr.

Kinuwestiyon ng mga petitioner ang Department of Finance (DOF) Circular No. 003-2024, na nag-uutos na ilipat ang hindi nagamit na pondo mula sa government-owned and controlled corporations, partikular ang PhilHealth, sa national treasury upang suportahan ang unprogrammed appropriations ng gobyerno.

Nangatuwiran din ang mga petitioner na sa halip na ilipat ang mga pondo sa national treasury, dapat itong gamitin upang mapabuti ang benepisyo ng PhilHealth.