Poster ng Pagdiriwang
PITAK FILIPINO
Ni Socrates L. Pimentel
AKALA mo tapos na ang Golden Age? Nagsisimula pa lang ulit.
Ngayong Setyembre 2026 ay ipinagdiriwang ng Philippine Film Industry Month (PFIM) ang ika-50 anibersaryo ng Ikalawang Ginintuang Panahon ng Pelikulang Pilipino – ang panahong ibinigay sa atin nina Lino Brocka (1939-91), Ishmael Bernal (1938-96), Mike de Leon (1947-2025), Mario O’Hara (1946-2012), at Lupita Aquino-Kashiwahara (isinilang 1937)- ang mga pelikulang hanggang ngayon ay humahampas pa rin. At sa temang “Pelikula: Ginintuang Ikalawa,” hindi lang natin aalalahanin ang nakaraan. Gagawin nating gabay ito papunta sa susunod na 50 taon.
Bubuksan ang PFIM sa pinakamakapangyarihang paraan: Isang 4K digitally-restored screening ng ‘Tinimbang Ka Ngunit Kulang’ (1974) ni Pambansang Alagad ng Sining Lino Brocka sa 04 Setyembre 2026 Biyernes, sa Red Carpet Cinema, Shangri-La Plaza, Lungsod Mandaluyong. At sa gabing iyon mismo, ihahayag rin ng Film Academy of the Philippines (FAP, nabuo 1981) kung sino ang magiging pambato ng Pilipinas sa ika-99 na Academy Awards o Oscars. Kasaysayan at kinabukasan sa isang gabi.
Kung may isang bagay ang hindi dapat palampasin ngayong PFIM: Ang mga klasikong pelikula na ni-restore para sa bagong henerasyon. Sa buong bansa, sa ating FDCP (Film Development Council of the Philippines, nabuo 2002) Cinematheque Centres, mapapanood nang mas malinaw ang mga pelikulang humubog sa atin: ‘Itim’ (1976) ni Mike De Leon; ‘Insiang’ (1976) ni Lino Brocka; ‘Tatlong Taong Walang Diyos’ (1976) ni Mario O’Hara; ‘Minsa’y Isang Gamu-Gamo’ (1976) ni Lupita Aquino-Kashiwahara; at ‘Nunal sa Tubig’ (1976) ni Ishmael Bernal.
Bukod sa mga nabanggit ay dadalhin ang mga tagapagtangkilik sa mas malayong nakaraan sa “SineUna: Cinematic Action Before the War” – mga natatanging pelikula bago pa man ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig (1941-45) na nailigtas ng Philippine Film Archive (PFA): ‘Zamboanga’ (1937), ‘Giliw Ko’ (1939), ‘Tunay na Ina’ (1939), ‘Pakiusap’ (1940), at ‘Ibong Adarna’ (1941).
Sa Cinematheque Centre Manila sa Intramuros – ang bagong tahanan ng pelikula simula Pebrero 2026 ay nakaiskedyul mapanood ang sumusunod: 09 Setyembre Miyerkoles, Reel to Real: ‘Jaguar’ (1979) ni Lino Brocka + Talkback; 10 Setyembre Huwebes, Director’s Series: Jeffrey Jeturian tampok sa ‘Tuhog’ (2001) at ‘Kubrador’ (2006); 17 Setyembre Huwebes, World Premiere ng ‘Kodomo-tachi: Children of the War’ (2025) ni Mike Alcazaren; 19 Setyembre Sabado, Kapelikula Exclusive: ‘Olsen’s Day’ (2025) ni JP Habac.
Magkakaroon din ng natatanging pagpapalabas ng mga pelikula sa sumusunod: 11 Setyembre Biyernes, ‘Ganito Kami Noon … Paano Kayo Ngayon?’ (1976) sa Fort Santiago, sa pangunguna ng Intramuros Administration (IA, itinatag 1979); 20 Setyembre Linggo, ‘Sister Stella L’ (1984) ni Mike De Leon, kasama ang National Commission for Culture and the Arts (NCCA, itinatag 1992) sa Metropolitan Theater (itinatag 1933); 10-23 Setyembre Huwebes-Miyerkoles, Iloilo: Pelikula ng Bayan x Bantayan Film Festival – ang pinakamatagal na regional film festival sa bansa.
Isasara ang buwan sa lugar kung saan isinulat ang hinaharap: sa Lungsod Quezon – ang bagong itinalagang UNESCO Creative City Film. Sa 30 Setyembre Miyerkoles, pararangalan ang mga haligi ng industriya at kikilalanin ang mga bagong boses mula sa Sine Kabataan at PFIM Short Film Festivals na magaganap sa Seda Vertis North, Lungsod Quezon.
50 taon na ang nagdaan mula nang turuan tayo nina Bernal at Brocka kung paano mangarap nang matapang sa pamamagitan ng pelikula. Ngayong Setyembre, tayo naman.
Kitakits sa sinehan!
