Mas pinalakas pa ng Manila Water ang distribution network nito upang maghatid ng tuloy-tuloy at 24/7 na supply ng malinis na tubig sa higit 7.9 milyong kustomer sa buong East Zone ng Metro Manila at lalawigan ng Rizal.
Batay sa huling tala ng kumpanya nitong Hulyo, umabot na sa kabuuang 5,738.06 kilometro ang haba ng mga pangunahing linya ng tubig na nagdurugtong sa mga kabahayan, negosyo, at iba’t ibang pamayanan sa kanilang nasasakupan.
Kasabay ng pagpapalawak ng imprastraktura, napanatili rin ng kumpanya ang mababang antas ng non-revenue water (NRW) o ang natatapon na tubig mula sa mga pagtagas at ilegal na koneksyon. Nitong Hulyo, naitala sa 14.24% ang year-to-date NRW ng Manila Water, na kabilang sa pinakamababa sa buong rehiyon ng Asya.
“Bilang bahagi ng aming mga programa para sa service improvement at water security, patuloy kaming nagpapatupad ng mga pangmatagalang inisyatibo upang maabot ang mas maraming kustomer at matiyak ang walang patid na serbisyo,” pahayag ni Manila Water Corporate Communications Group Head Dittie Galang.
Upang mabawasan ang pagdepende sa Angat Dam, patuloy rin ang kumpanya sa paglinang ng iba pang pagkukunan ng tubig tulad ng 100-million-liter-per-day (MLD) Cardona Water Treatment Plant at 50 MLD East Bay Phase 1 Water Treatment Plant na parehong kumukuha ng supply mula sa Laguna Lake.
Inihahanda na rin ang Phase 2 ng East Bay pasilidad na inaasahang magpapadaloy ng hanggang 200 MLD.
Higit pang magpapatibay sa water security ang Wawa-Calawis Water Supply System sa Lungsod ng Antipolo na kukuha ng tubig mula sa 710 MLD Upper Wawa Dam, sa tulong ng 80 MLD Calawis Water Treatment Plant at ng paparating na 220 MLD Kaysakat Water Treatment Plant.
