DRIVING LOCAL GREEN MOBILITY FORWARD. Nagkapit-bisig ang Movem Electric, Inc. at Barangay Bel-Air sa Makati City sa paglalagay ng dalawang bagong electric shuttle upang isulong ang mas malinis, ligtas, at makakalikasang biyahe para sa mga residente. Sa larawan: Barangay Bel-Air Captain Cynthia Cervantes (kaliwa) at Movem President and CEO Ralph M. Menchavez (kanan).
Nagkaloob ang Movem Electric, Inc., ang subsidiary para sa electric mobility ng Meralco, ng dalawang fully electric shuttle sa Barangay Bel-Air, Makati City upang isulong ang mas malinis at mas mabilis na biyahe para sa mga residente nito.
Layunin ng proyektong ito na magbigay ng mas tahimik at kalikasan-friendly na sakayan sa loob ng barangay, partikular para sa mga nakakatanda.
Ang bawat e-jeep ay kasya ang hanggang 14 na pasahero at kayang tumakbo ng hanggang 150 kilometro sa isang charging lamang.
“Sa pagdating ng dalawang bagong electric shuttle, ipinagdiriwang natin ang panibagong hakbang tungo sa mas malinis, mas luntian, at mas madaling maaccess na Barangay Bel-Air,” pahayag ni Kapitana Cynthia Cervantes.
Bukod sa mga sasakyan, magtatayo rin ang Movem ng mga charging infrastructure sa lugar upang suportahan ang pangmatagalang paggamit ng electric vehicles (EV) sa komunidad.
Binigyang-diin naman ni Movem President at CEO Ralph M. Menchavez ang kahalagahan ng inisyatibong ito sa pagpapakita na maaari nang simulan ang paggamit ng EV sa pang-araw-araw na serbisyo publiko.
Sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan at sektor, layon ng Movem na mas pabilisin ang paglipat ng bansa sa mas praktikal at makakalikasang sistema ng transportasyon.
