Thumbs Up sa Pagkakaibigan: Taiwan at Pilipinas, Pinagtagpo Muli ng Kasaysayan sa Pambansang Aklatan
PITAK FILIPINO
Ni Socrates L. Pimentel
PORMAL nang binuksan ng Pambansang Aklatan ng Pilipinas (NLP, itinatag 1887) at ng Pambansang Aklatan ng Taiwan (NCL, itinatag 1914) ang kakaibang eksibisyon na pinamagatang “Voyages of Discovery: Cultural Dialogues Between Taiwan and the Philippines.”
Hindi basta ito display ng mga lumang aklat. Paglalayag ito pabalik sa nakaraan – sinusundan ang mga sinaunang rutang pandagat ng ating mga ninuno, kung saan makikita na daan-daang taon na pala tayong nagkukuwentuhan, nagpapalitan ng kultura, at naglalakbay sa iisang karagatan.
Pinangunahan ang makasaysayang pagbubukas nina NLP Assistant Director Edgardo B. Quiros kasama ang mga division chiefs ng NLP. Mula naman sa panig ng Taiwan ay nagbigay ng mensahe sina Director Hui-Chen Cheng ng NCL at si Dr. Michael Ting Sheng Lee, Pangalawang Kinatawan ng Taipei Economic and Cultural Office sa Pilipinas.
Pagkatapos gupitin ang laso ay dinala mismo ni curator Dr. Ching-Ju Cheng, Special Collections Special ng NCL, ang mga delegado sa isang time travel tour sa loob ng eksibisyon. Hindi lang basta aklat. Makikita ang mga sinaunang teksto, makasaysayang manuskrito, bihirang postcards, at mga pambihirang nalathalang akda na matagal nang itinago nang panahon – na ngayo’y nagsasalita at nagkukuwento ng ating pinagsaluhang lahi.
Dumalo rin ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, media, pamantasan, at mga pampublikong aklatan mula sa Lungsod Quezon at Maynila – patunay na hindi lang ito eksibisyon, kundi pagdiriwang ng pagkakilanlan.
Bukas ang eksibit na matatagpuan sa lobby ng ikaapat na palapag ng NLP, mula Lunes hanggang Huwebes 07:00 Umaga-06:00 Gabi, mula 01 Setyembre hanggang 05 Oktubre 2026. Libre sa publiko at bukas sa pagkamangha.
