MAS MATIBAY AT EPEKTIBONG SISTEMA NG TUBIG SA PEZA-CAVITE. Matagumpay na natapos ng Manila Water Infratech Solutions (MWIS) ang Non-Revenue Water (NRW) Optimization Program sa PEZA-Cavite sa loob ng apat na buwan. Dahil sa proyektong ito, naisalba ang humigit-kumulang 1.7 milyong litro ng tubig bawat araw (1.7 MLD) at mas napabuti ang serbisyo ng patubig sa mga pasilidad at kumpanya sa lugar.
Matagumpay na natapos ng Manila Water Infratech Solutions (MWIS) ang Non-Revenue Water (NRW) Optimization Program sa Philippine Economic Zone Authority-Cavite (PEZA-Cavite) upang mapataas ang antas ng kahusayan at pagiging maaasahan ng sistema ng patubig sa nasabing industrial park.
Sa loob ng apat na buwang pagpapatupad ng programa, matagumpay na naibalik ng MWIS ang humigit-kumulang 1.7 milyong litro ng tubig bawat araw (1.7 MLD) sa pamamagitan ng pagtukoy at pag-aayos sa mga natatagong tagas at hindi maayos na pasilidad sa pamamahagi.
Ginamitan ang proyekto ng mga makabagong teknolohiya tulad ng advanced network diagnostics, hydraulic modeling, at pagtatatag ng dalawang District Metered Areas (DMAs) upang mas mabilis na masubaybayan ang daloy at lebel ng presyon ng tubig.
Nagsagawa rin ang koponan ng acoustic leak detection at pagpapalit ng mga kritikal na gate valve upang mas madaling maihiwalay ang mga apektadong linya tuwing may pagkukumpuni.
“Sa MWIS, naniniwala kami na ang epektibong pamamahala sa tubig ay nagsisimula sa malinaw na pag-unawa sa performance ng sistema. Sa pamamagitan ng data-driven analysis at targeted field interventions, natulungan natin ang PEZA-Cavite na mabawasan ang natatapon na tubig at mapabuti ang pangkalahatang operasyon,” pahayag ni Adrian Bryan Magallanes, General Manager ng Manila Water Infratech Solutions.
Ang PEZA-Cavite, na kilala rin bilang Cavite Export Processing Zone (EPZA), ay may lawak na 275 ektarya na matatagpuan sa Rosario at General Trias, Cavite. Naglalaman ito ng daan-daang kumpanya na nakatutok sa manufacturing, electronics, logistics, at warehousing.
